Home Headlines NHCP: ‘Doktrinang Mariano Ponce’ na yakapin ang pagiging Asyano napapanahon

NHCP: ‘Doktrinang Mariano Ponce’ na yakapin ang pagiging Asyano napapanahon

244
0
SHARE

LUNGSOD NG BALIWAG (PIA) — Hindi kumukupas ang kabayanihan ng diplomatikong si Mariano Ponce, partikular na sa aspeto na pagbibigay diin na dapat yakapin ng mga Pilipino ang pagiging isang Asyano.

Sa mensahe ni National Historical Commission of the Philippines (NHCP) Executive Director Carminda Arevallo para sa pagdiriwang ng Ika-162 Taong Kapanganakan ni Ponce na inilahad ni NHCP senior museum curator Ruel Paguiligan, isinasaad doon na nakilala si Ponce sa kanyang tinuran na ang “Asya ay para sa mga Asyano at ang Asyano ay para sa Asya”.

Bukod sa pagiging isang doktor at manunulat, isang diplomatiko si Ponce na nagsilbing sugo sa Japan ng administrasyon ni Pangulong Emilio Aguinaldo noong Unang Republika ng Pilipinas.

Matatandaan na noong mga huling bahagi ng Ika-19 na siglo o bandang 1890s, nagsilbing sangtuwaryo ng mga Asyanong diplomatiko, rebolusyonaryo at iba’t ibang lider ang Japan sa kasagsagan ng mga pagkilos para sa kalayaan sa kani-kanilang mga bansa.

Tampok sa Museo ni Mariano Ponce ng National Historical Commission of the Philippines ang simulain ng ugnayang panlabas ng Pilipinas noong Ika-19 na siglo. Sentro nito ang Pan-Asyanismo na doktrina ng diplomatikong si Ponce na kanyang isinulong upang matamo ang kalayaan, kapayapaana at kaunlaran sa Asya. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Kabilang rito si Ponce kung saan marami siyang nakadaupang palad na mga kapwa-Asyano tulad ni Sun Yat Sen, ang pangulo ng noo’y Republika ng Tsina kung saan magkasama pa ang mainland at ang Formosa na ngayo’y Taiwan.

Naging personal niyang kaibigan ang naturang pangulo kung saan tumulong ito upang makabili si Ponce ng mga armas sa Japan para magamit sa rebolusyon sa Pilipinas.

May mga naging kaibigan din siya na mga Japanese, Korean, Siamese, Indian at iba pang mga Chinese na pawang nakaranas din noon ng mga pananakop ng mga kanluraning mga bansa.

Ayon pa kay Arevallo, naging pagkakataon ito para kay Ponce upang isulong ang doktrinang “Pan-Asyanismo” na naglalayon na pagkaisahin ang mga Asyano upang matamo ang kapayapaan at kaunlaran.

Napapanahon aniya ito dahil kung lubos na yayakapin ng mga Pilipino ang pagiging Asyano, mapapalakas nito ang identidad o pagkakakilanlan.

Ibig sabihin, magkakaroon ng kaisipan na dapat maniwala ang mga Pilipino bilang isang Asyano, na taglay nito ang isang malaking kakayahan na mamahala o mamuno sa isang bansang malaya at malakas na soberanya.

Sa kasalukuyang panahon, kabilang sa mga patakaran ng ugnayang panlabas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maging kaganapan na ang pagkakaroon ng Code of Conduct sa South China Sea kung saan bahagi nito ang West Philippine Sea.

Taong 2002 nang unang ihain ito sa Association of South East Asian Nations kung saan susi nito ang pagkakaisa ng mga bansang kasapi upang tuluyang mapagtibay.

Kaugnay nito, ipinaalala naman ni Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office Officer-in-Charge May Arlene Pascual sa mga Bulakenyo na pasan ngayon ang responsibilidad upang ipagpatuloy ang mga pamanang itinaguyod ni Ponce.

Hindi aniya matatawaran ang paninindigan ni Ponce na hindi dapat paimbabawan ng kahit na sino ang pagkakakilanlan ng mga Pilipino bilang isang Asyano.

Isang aspeto ito ng “Doktrinang Mariano Ponce” kung saan sa pagiging isang malaya, walang sinumang dayuhan lalo na ang hindi mga Asyano ang dapat makakapagdikta sa paghugis ng kapalaran at patakaran sa loob ng isang Republika.

Tanging mga mamamayan lamang na katutubo sa isang bansa ang dapat lamang na may hawak ng soberanya na iiral dito.

Tubong Baliwag, Bulacan si Ponce na naging kasapi rin ng First Philippine Assembly sa ilalim ni noo’y Speaker Sergio Osmeña.

Kinatawan niya ang Ikalawang Distrito ng Bulacan taglay ang matatag at malalim na karanasan mula nang magbukas ang sesyon ng Kongreso ng Malolos hanggang sa maging Republika ang Pilipinas noong 1899. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan).

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here