NFA managers sa Bulacan, Pampanga sinibak na

    702
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS— Pinalitan na ang mga provincial manager ng National Food Authority (NFA) sa Bulacan at Pampanga noong Martes, Agosto 5.

    Ito ay isang buwan matapos salakayin ng matataas na opisyal ng NFA at Criminal Investigation Detection Group (CIDG) ang mga naglalakihang bodega ng bigas sa Marilao at lungsod na ito sa hinalang hoarding ng bigas.

    Ang mga sinibak ay sina Serafin Manalili, ng NFA-Bulacan at Elvira Obana ng NFA-Pampanga naman. Sinibak din sa tungkulin ang kanilang mga assistant provincial manager na sina Domingo Punongbayan at Jovi Castillo.

    Sina Manalili at Obana ay pansamantalang itinalaga sa pangrehiyong tanggapan ng NFA sa Lungsod ng Cabanatuan sa Nueva Ecija at inilagay sa “floating status.” Pansamantala namang humalili sa kanila sina Amadeo De Guzman, ang direktor ng NFA sa Gitnang Luzon para sa Pampanga, at si Mar Alvarez, ang assistant regional director sa Gitnang Luzon, para naman sa Bulacan.

    Sa mga opisyal na nabanggit, bukod kay Manalili na halos pitong taong naging manager ng NFA-Bulacan, sina Alvarez at Obana ay minsang ding nagsilbi bilang tagapamuno ng nasabing tanggapan sa lalawigan.

    Kaugnay nito, sinabi ng mga source na ang pagkakasibak kina Manalili at Obana ay kaugnay ng pagkakadiskubre ng illegal na gawain sa Jomaaro Star Rice Mill sa Marilao noong Hulyo 3 at sa Purefeeds Corporation sa Malolos noong Hulyo 7.

    Sa magkasunod na insidente, natukalasan ang malawakang rice diversion sa Jomarro Star Ricemill at ang paghahalo ng animal feeds component sa Purefeeds. Ang rice diversion sa Marilao ay kinasasangkutan ng pagsasalin ng bigas ng NFA sa sako ng commercial rice na naaktuhan ng mga pulis.

    Ang mga sako ng bigas na nakumpiska sa Marilao ay nagmula sa NFA-Pampanga. Sa Purefeeds Corporation na binisita pa ni Kalihim Mar Roxas at NFA Administrator Arthur Juan, sinabi ni Roxas na ang durog na bigas na ang klasipikasyon ay animal feed component ay inihahalo sa imported rice at muling isinasako upang ibenta bilang “Sinandomeng rice,” isang mamahaling klase ng bigas.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here