News ‘r Us

    439
    0
    SHARE
    Tuluyan nang nabago ang takbo ng panahon. Dati, ang mga mamamahayag ang nagbabalita.

    Ngayon, mamamahayag na ang nababalita.



    Dati ay paisa-isal lang ang pinapaslang na mamamahayag.

    Ngayon, maramihan na. Parang bargain sale ang buhay ng tao.



    Dati, mga militante o mga cause oriented group ang nagsasagawa ng mga rally at protesta.
    Ngayon, mga mamamahayag na ang nagpoprotesta.



    Dati, nagko-cover lang sa mga rally ang mga mamamahayag.

    Ngayon, sila na ang nagra-rally, at sila rin ang nagko-cover.



    Dati, mga mamamahayag ang kumukuha ng mga larawan ng mga biktima ng pamamaslang.

    Ngayon, sila na ang napapaslang at kinukunan ng larawan.



    Dati, ang mga mamamahayag ang nagiging tagapamagitan sa mga grupong may alitan.

    Ngayon, ang mga mamamahayag na ang nasa pagitan ang may alitang grupo.



    Sa mga digmaan, ang mga mamamahayag ay iniiwasang barilin.

    Dito sa atin, walang digmaan, pero ang mga mamamahayag ang target.



    Dati, kapag may reklamo ang mga pulitiko, tinatawag ang mga mamamahayag sa isang presscon para ibulalas ang kanilang sama ng loob.

    Ngayon, bakit tahimik ang mga pulitikong mahilig sa presscon?



    Dati, mga mamamahayag ang nagbabalita, ngayon, mamamahayag na ang ibinabalita.

    Ito ba ang halimbawa ng “news oddities” na itinuturo sa mga journalism school?



    Hindi maiiwasan na hindi magprotesta ang mga mamamahayag, partikular na sa maramihang pamamaslang sa Maguindanao kung saan 30 mamamahayag ang pinatay.

    Lahat sila ay di armado. Ang tanging armas ay ballpen, papel at kamera. Nakakasakit ba ‘yon?



    Sabi ng ilan, “news ‘r us.” Totoo, kami na ang balita.

    Kami rin ang magbabalita dahil kami na ang biktima.



    May nagpapayo, dapat nang mag-armas ang mga mamamahayag bilang proteksyon sa sarili.

    Sabi namin, di namin trabaho yun. Trabaho yun ng pulis at sundalo.



    Kung kami ay mag-aarmas at magbibigay ng proteksyon sa sarili naming, ano pa ang silbi ng mga pulis, sundalo at mga kagawad ng pamahalaan?

    Papayag ba sila na kami na rin ang pulis, sundalo at kagawad ng pamahalaan?



    Totoo, nakakainis isipin. Naghuhugas ng kamay ang mga taong may responsibilidad para sa kaayusan at kapayapaan.

    Hindi ba’t ganoon din ang ginawa ni Pontio Pilato sa Panginoong Hesu-Kristo?


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here