LUNGSOD NG MALOLOS — Nakapagtala ng tatlong kaso ng bagong variants ng Covid-19 ang lalawigan mula sa tatlong umuwing overseas Filipino workers.
Ayon kay Dr. Hjordis Celis, na-detect ang South African variant sa isang OFW at UK variant naman sa dalawang iba pa na pawang mga nasa 30–anyos mula sa Middle East partikular sa Dubai, Qatar at United Arab Emirates.
Ang tatlo ay kasalukuyang nasa quarantine facility ng lalawigan at inoobserbahan.
Ang dalawa sa kanila ay walang sintomas at ang isa ay may mild symptoms gaya ng ubo at sipon.
Habang na test na rin ang lahat ng close contacts ng mga ito at nagnegatibo naman ang resulta sa virus.
Ayon kay Celis, muling isasalang sa swab test ang mga nagnegatibong closed contacts bilang confirmatory test. Ang mga close contacts ng tatlo ay pawang mga naka–home quarantine.
Aniya, buwan ng Pebrero dumating ang tatlong OFW sa bansa at sumailalim sa quarantine sa Maynila. Matapos nito ay muli silang sumalang sa quarantine pagdating sa lalawigan.
Hindi naman nilinaw si Celis kung kailan lumabas angresulta ng test na positibo sa new variants ang tatlong OFW.