Negosyante inilibing sa darak

    400
    0
    SHARE
    Inilibing sa darak ang isang negosyante matapos itong patayin sa pamamagitan ng pagpalo ng tubo sa kanyang ulo na ang mga suspek ay pinaniniwalaang mismong kanyang mga tauhan sa isang feeds factory sa bayan ng Marilao, Bulacan.

    Ang biktima ay kinilala ng Marilao PNP (Philippine National Police) na si Emmanuel Guillermo y Dedoyo, 50, tubong Metro Manila at may-ari ng Max pro feeds factory.

    Ayon kay Angelo Nicanor Concepcion, pamangkin ng biktima, tinawagan sila noong Lunes ng gabi ng biktima at sinabing pauwi na ito ng alas-siete ng gabi ngunit matapos niyon ay hindi na ito nagtext o sumagot sa kanilang mga tawag.

    Dahil dito ay nag-aalala na ang pamilya ng biktima kayat pinagpasyahan nilang tunguhin ang factory nito sa barangay Sta.Rosa Dos sa naturang bayan.

    Dito nila nakita ang kotse ng kanyang tiyuhin at ng pagpasok nila sa loob ng factory ay hindi naman nila ito matagpuan maliban sa briefcase, bakal na tubo at nagkalat na dugo sa paligid ng factory.

    Sila ay naghinala na may nangyaring masama sa kanilang tiyuhin kaya’t agad silang nagsumbong sa kapulisan.

    At ng siyasatin ng PNP ang paligid ay natuklasan na ang bangkay ng biktima ay ibinaon sa malalim na tambakan ng darak.

    Napag-alaman din na may mga palo sa ulo ang biktima at sugat sa ibat-ibang bahagi ng katawan.

    Hinala ng pulisya, pinagpapalo sa ulo ang biktima gamit ang tubo mula sa jack ng sasakyan.
    Ayon sa ulat, nawawala rin ang celfone, iba pang mahahalagang gamit at pera na nagkakahalaga ng P70,000.

    Dahil dito ay isang malawakang manhunt operation ang inilunsad ng PNP laban sa mga suspek na umanoy tauhan din ng biktima.

    Ayon parin sa ulat, ang mga suspek ay nakilala lamang sa mga pangalang Richard Marcelo at Joie Lanosa pawang mga tubong Negros Province.

    Ang bangkay ng biktima ay dinala sa Flavel Funeral Homes para sa kaukulang awtopsiya.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here