OLONGAPO CITY– Tinangay ng tatlong di pa kilalang mga suspek ang pera at personal na kagamitan ng isang negosyante nang ito ay kanilang holdapin sa loob ng hotel na kanyang tinuluyan sa lungsod na ito.
Kinilala ng pulisya ang biktimang si Ernesto Breta, 65, residente ng Room 211 Opal Apartment, Crown Peak Garden, Subic Bay Freeport Zone.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, December 2014 ng makilala ng biktima sa isang eatery ang isang nagngangalang “Eunice” at nagkausap sila sa isang business transaction sa pamamagitan ng cellphone at magkikita sila sa Hillside Hotel kung kaya ito ay nag-check-in sa Room A.
Pagkatapos ng pag-uusap, tatlong kalalakihan ang kasama ni Eunice na armado ng baril ang pumasok sa nasabing hotel at nagpakilalang mga narcotic agents dahil sa umano’y pagkakasangkot umano nito sa ilegal na droga.
Ayon pa sa biktima bago pa man pumasok ito sa hotel ay napansin na nito ang isang lalaki sa labas ng hotel na umaali-aligid.
Tinangay ng mga suspek ang relo na nagkakahalaga ng P5,000, bag na naglalaman ng P25,000 at wallet na naglalaman ng ibat-ibang ATM cards. Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng Olongapo City PNP hinggil sa nasabing insidente.