LUNGSOD NG MAYNILA— Sinampahan ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) ng kaso sa tanggapan ng Ombudsman si National Electrification Administrator Edgardo Masongsong dahil sa paggamit ng pera ng gobyerno sa kampanya ng isang partylist noong halalan ng 2019.
Ayon kay PACC Chairman Greco Belgica, isinampa ang kaso nitong Martes matapos na lumabas sa kanilang imbestigasyon na lumabag si Undersecretary Masongsong sa Omnibus Election Code dahil sa ilegal campaign fund contribution ng mga electric cooperatives sa Philreca partylist.
Ani Belgica, sa magkakaibang petsa ay naglabas ng resolusyon ang mga Electric Cooperatives (EC) na nasa ilailim ng pangangasiwa ng NEA para magbigay ng pondo para sa kampanya ng Philreca.
Ipinagbabawal aniya sa batas na mag-ambag ng pondo sa kampanya ng isang kandidato o partylist ang isang public utility entity gaya ng mga EC’s.
Bilang NEA administrator ay wala aniyang ginawang pagtutol si Masongsong sa paglalabas ng pondo ng mga EC’s pabor sa nasabing partylist.
Dahil dito si Undersecretary Masongsong ay nahaharap din sa mga kasong Grave Misconduct in relation to Sec 3(e) of R.A. 3019; Violation of Existing Civil Service Laws;and Engaging directly or indirectly in partisan political activities by one holding a non-political office under the 2017 RACCS.
Ang Pambansang Pangasiwaan ng Elektrisidad o NEA ay isang government-owned and controlled corporation (GOCC) sa ilalim ng Department of Energy na inatasan para mangasiwa sa 121 rural Electric Cooperatives sa bansa.
Binigyang diin ni Belgica na ang pagsasampa ng kasong ito laban kay Masongsong ay pagpapatunay na hindi tumitigil ang Administrasyong Duterte sa pagsugpo sa katiwalian sa gobyerno.
Asahan aniya ng publiko ang linggo-linggong pagsasampa ng PACC ng mga kaso laban sa mga korap na opisyal at pagbibigay ulat sa Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Hinihikayat din ni Belgica ang publiko na tumulong sa kampanya ng Pangulong Duterte laban sa korapsyon na agad na makipag ugnayan sa PACC o mag text sa 0906 692 7324 at tumawag sa 8888 o mag email sa complaints@pacc.gov.ph.