LUNGSOD NG PALAYAN — Magtatapat ang Nueva Ecija Rice Vanguards at Zamboanga Family’s Brand Sardines sa national finals ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) na magsisimula sa ika-2 ng Disyembre sa Nueva Ecija Coliseum dito.
Naunang nakapuwesto sa pambansang kampeyonato ang Rice Vanguards ni Bong Cuevas nang talunin sa best-of-3 series ang San Juan Knights Go for Gold ni Sen. Jinggoy Estrada nitong Biyernes, 84-68.
Nitong Sabado naman nasungkit ng Zamboanga ang national championship slot nang tanghaling kampeyon ng South Division sa kanilang hometown victory kontra Batangas, 67-66.
Matatandaang nakapagtala ang Rice Vanguards ng makasaysayang 25-winning streak sa regular season hanggang matanggap ang unang pagkatalo sa kamay ng Knights sa unang tikada ng North Division championship series.
Bitbit ng Vanguards sa kanilang pagharap sa Sardines ang 27-1 panalo-talo.
Sa isang mensahe ay sinabi ni Cuevas na iniaalay ng kanilang koponan ang panalo sa bawat mamamayan ng lalawigan.
“Hindi namin bibiguin ang aming mga kalalawigan,” ayon sa team owner.