PALAYAN CITY – Pinaalalahanan ng isang mataas na opisyal ng Nueva Ecija ang publiko na maging maingat at mapagmatyag laban sa mga scammer.
Ayon kay Vice Gov. Anthony Umali, mismong ang kanyang pangalan at tanggapan ay ginagamit ng scammer upang makapambiktima.
Ginawa ni Umali ang paalala matapos nilang mapag-alaman na may gumagamit sa pangalan ng bise gubernador at kanyang tanggapan para manloko ng mga tao sa pamamagitan ng pag-order ng pagkain.
Sa kanyang social media post ay sinabi ni Umali na napagpasyahan nila ang pabulaanan ito at bigyan ng babala ang publiko upang maiwasan na maging biktima sa mga ganoong klase ng panloloko.
“Huwag din po kayong mag atubuling magbigay ng impormasyon at ireport ang mga scams o panloloko gamit ang pangalan ko at ang aking opisina,” saad ni Umali.
Malaki ang maitutulong nito para matugis ang mga scammer at matukoy ang pasimuno nito, sabi pa ni Umali.
“Mag-ingat po tayong lahat,” paalala niya.