Ngunit ngayong Bagong Taon, hindi matatawaran ang kaligayahan ni Mariel R. Tapadera, 19, residente ng Barangay Sto. Tomas North ng bayang ito, dahil bukod sa makakasama niya ang kanyang ina sa hapag kainan, kasama ang kanyang dalawang nakababatang kapatid at mga lolo at lola, ay ipagdiriwang nila ang kanyang pagpasa bilang 8th placer sa Licensure Examination for Teacher (LET) na isinagawa noong Setyembre 2016.
Si Tapadera, kasama ang kanyang ina, ay pinarangalan ng PRC sa kanyang nakamit na mataas na pwesto sa pagsusulit kasabay ng kanilang panunumpa bilang mga bagong guro sa Baguio City nitong December 21.
“Masayang masaya po ako at makakasama ko siya (ang kanyang ina) sa Bagong Taon dahil pinayagan siyang umuwi ng kanyang amo,” sabi ni Tapadera. Hindi nakauwi ang kanyang ina nitong Pasko.
Si Tapadera at nagtapos ng Bachelor of Science in Elementary Education sa academic extension campus sa bayang ito ng Nueva Ecija University of Science and Technology (NEUST) na ang main campus ay nasa Cabanatuan City.
Naitaguyod ang kanyang pag-aaral sa pamamagitan ng scholarship grant ng Peñaranda USA Association, samahan ng mga mamamayan ng bayang ito na nakabase sa United States, at Armand Mendoza sa tulong ng retiradong high school teacher Sabina Bautista.
Si Tapadera at mga nakababatang kapatid ay nakatira sa kanilang mga lolo at lola.
Ang kanilang ama ay namatay noong nasa high school pa lamang si Tapadera kaya naging mahirap na desisyon para sa pamilya na magpatuloy pa siya sa kolehiyo. Sa high school ay isang amain ang tumulong sa kanya upang makapagtapos.
“Mabuti na nga po at may academic extension campus sa pagsisikap no Mayor Ferdinand Abesamis kaya napipilit na magkasya ang P20,” sabi niya.
Si Tapadera ang kauna-unahang estudyante ng NEUST extension campus na nagtapos bilang magna cum laude. Siya rin ang kauna-unahang graduate ng kursong edukasyon sa pamantasan na nakapasa na kabilang sa Top 8 ng LET.
Aminado si Tapadera na sobra-sobra ang kanyang kaba hanggang matapos ang LET. “Nagsimba po ako sa 12 simbahan sa bayan namin upang humingi ng awa at ako’y makapasa,” dagdag niya.
Ngunit ang kanyang Lolo Rudy Ramos, 74, ay hindi nagduda sa kanyang pagpasa dahil sa nasaksihan niyang sigasig ng apo sa pag-aaral. “Hindi po natutulog ‘yan. Nasasabi ko pa nga na baka yung mga kapitbahay natin e sobrang nai-istorbo na,” aniya.
“Masigasig na masigasig at tuloy-tuloy yun hanggang sa maka-graduate,” sabi niya.
Nagtapos rin si Tapadera bilang student of the year.
Ayon kay Mayor Abesamis, ang kwento ng buhay ni Tapadera ay isang halimbawa na ang kahirapan kailanman ay hindi dapat maging hadlang upang ang isang tao ay mawalan ng pag-asa.
“Naiiyak ako nang marinig ang kwento ng buhay niya niya pero ikinatutuwa at ikinararangal namin ang kanyang tagumpay,” ani Abesamis.