Mayor Cuevas kausap ang mga biktima ng bagyo.
PALAYAN CITY – Hindi basta tulong pinansiyal lamang kundi mismong materyales na mga yero, sawali, good lumber, pako at iba pang gamit sa muling pagpapatayo ng bahay ang ipinamahagi ni Mayor Adrianne Mae Cuevas sa mga nasiraan ng tahanan dahil sa bagyong Ulysses.
Ayon kay Cuevas, patuloy pa ang pangangalap ng datus sa mga biktima ng bagyo subalit sinimulan na nila ang distribusyon sa may 17 bahay sa Sitio Pinaltakan, Caballero sa lungsod na ito nitong Martes.
“After cleaning ng main thoroughfare at yung mga barangay route, ang next ay mga nabagsakan. So,namigay ako ng mga kahoy, yero, pako, tire wire,” sabi ng alkalde.
Nais aniya na makabawi kaagad at magkaroon ng ligtas na masisilungan ang kanilang mga kababayan matapos ang pananalasa ng bagyo.
Ayon sa isang opisyal ng lungsod, minabuti ng pamilya ng alkalde na sagutin na lamang mula sa kanilang personal na pondo ang pamamahagi ng mga materyales dahil matatagalan pa kung idaraan ito sa procurement process ng pamahalaan.
Nagsama na rin ng mga karpintero si Cuevas upang mabilis na maitayo ang mga nasirang bahay.
Sinisiguro ng opisyal na mapagkakalooban ng materyales lahat ng nararapat mabigyan na naapektuhan ng bagyong Ulysses.
Nagpapasalamat na lamang ang alcalde na sa kabila ng malakas na hangin at pagbaha sa ilang barangay ay walang nasawi sa kanilang lungsod.
“Ang kagandahan, mga nag-evacuate kaaagad kaya wala kaming lives lost. Okay din,” sabi pa ni Cuevas.