PALAYAN CITY – Ipinagpag ng Nueva Ecija Capitals ang paghahabol ng Quezon Titans upang ibuslo ang panalo, 94-91, sa kanilang unang pagtatapat sa best-of-5 championship series ng Pilipinas Super League (PSL) sa Nueva Ecija Coliseum sa lungsod na ito nitong Martes ng gabi.
Sinandigan ng tropa ni coach Don Dulay ang gilas ni Chris Bitoon matapos magpalitan ng single-digit lead ang dalawang koponan sa huling yugto ng laban sa gitna ng aktibong homecourt crowd.
Si Bitoon ang tinanghal na super player of the game matapos ang 40 minutong laban na tinampukan ng champoinship-level physicality.
Sa anunsiyo ng PSL, sa Nueva Ecija pa rin gaganapin ang ikalawang laban, alas 7:30 ng gabi sa Huwebes, April 11.
Sa ikatlong pagduduop ay Capitals naman ang dadayo sa Quezon Convention Center sa Lucena City kung saan inaasahan na ika-capitalize ng Titans ang kanilang homecourt advantage.
Sa naturang venue na rin ang game 4 at kung kakailanganin ay babalik sa Nueva Ecija para sa huling laro.