Pagkakaisa para sa mga katutubo ang naging mensahe sa idinaos na talakayan na may kaugnayan sa pagdiriwang ng World’s Indigenous Peoples Day na pinangasiwaan ng National Commission on Indigenous Peoples. Camille Nagaño/PIA 3
LUNGSOD NG CABANATUAN — Ipinanawagan ng National Commission on Indigenous Peoples o NCIP ang pagkakaisa at pagtutulungan ng lahat tungo sa pagpapaunlad ng kalagayan at pamumuhay ng mga katutubo.
Ayon kay NCIP Regional Director Roland Calde, ang pagkakaisa ay panawagan hindi lamang sa mga ahensiya ng pamahalaan, mga lokalidad, pribadong sektor at iba pang tanggapan kundi pati din mismo sa lahat ng mga katutubo na magkaroon ng pagtutulungan upang maiangat ang kanilang kabuhayan at kalagayan ng pamumuhay.
Aniya, hindi kakayanin na NCIP lamang ang tutugon sa lahat ng mga pangangailangan ng mga kababayang katutubo kaya kailangan ang tulong ng bawat isa upang matiyak na hindi mapag-iiwanan ang sektor sa progreso ng bansa.
Pahayag ni Calde, maaaring ikonsidera ng mga ahensiya ng pamahalaan at mga lokal na pamahalaan na ire-focus ang mga programa na maaaring makabenepisyo at mapakinabangang lubos ng mga katutubong komunidad.
Kaakibat aniya ng nagbabagong panahon ang pangangailangan sa pamumuhay ng mga katutubo gaya ng pagtutok sa edukasyon ng mga kabataan, kalusugan, sa mga pagawain o imprastruktura na kailangan sa komunidad na maayos na daan, ilaw at iba pa.
Ang kaniyang paalala sa mga kapwa at kababayang katutubo na habang binibigyang pansin ang mga pangangailangan sa pag-unlad ng pamumuhay ay huwag kalilimutan ang kultura na kinagawian at tiyaking isinasabuhay o maipapasa sa mga kabataan at susunod pang henerasyon.
Ayon pa kay Calde, ang pinakamahalaga at manatiling dapat taglayin ng mga katutubo ay ang pagkakaisa at self empowerment, na mga katutubo mismo ang magtutulungan at maguunawaan tungo sa pagpapalaganap at pagtamasa ng mga karapatan.
Pareho ang ibinigay na mensahe ni Ethnographic Commissioner for Region 3 and Rest of Luzon Undersecretary Rolando Rivera na hindi maaabot ng sektor ang kaunlaran kung walang pagkakaisa ang lahat ng mga katutubo.
Kung mayroon aniyang mga usapin o gumugulo sa isipan ay maaaring lumapit sa alinmang ahensiya ng pamahalaan gaya sa NCIP, mga lokal na pamahalaan at iba pang tanggapan upang mabigyang linaw at masagot ang mga katanungan.
Kaniyang ipinanawagan sa mga kapwa katutubo na huwag magpalinlang sa mga gumugulo sa isipan kundi ay magtiwala sa pamahalaan, sa sarili, at patuloy na isulong ang pagkakaisa ng sektor gayundin ay isantabi ang mga pansariling interes bagkus ay isabuhay ang kaugaliang katutubo na isinasaalang- alang ang kapakanan ng nakararami.
Aniya, ang mga sangay ng pamahalaan ay laging nariyan na handang tumulong at makipagugnayan sa sektor.
Pinangasiwaan ng NCIP ang pagdaraos ng isang talakayan hinggil sa kasalukuyang kalagayan at pangangailangan ng sektor na kung saan ay dinaluhan ng iba’t ibang kagawaran ng pamahalaan na nagpaliwanag ng mga isinusulong na programa para sa mga katutubo.
Ang aktibidad ay bilang paggunita sa pagdiriwang ng World’s Indigenous Peoples Day na ginugunita tuwing ika-siyam ng Agosto na may tema ngayong taon na “Leaving No One Behind: Indigenous peoples and the call for a new social contract.” (CLJD/CCN-PIA 3)