LUNGSOD NG TARLAC – Umikot sa iba’t-ibang pamayanang katutubo sa Tarlac ang National Commission on Indigenous Peoples o NCIP upang makipagdayalogo hinggil sa kanilang mga hinaing at pangangailangan.
Kabilang sa mga pinuntahan ng NCIP, kasama ang iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan, ay ang mga katutubong komunidad sa barangay San Vicente sa bayan ng Bamban, barangay Sta. Juliana sa bayan ng Capas, at barangay Maamot sa bayan ng San Jose.
Ayon kay NCIP Chair Allen Capuyan, bahagi ito ng programang whole-of-nation at whole-of-government approach kung saan inilalapit ang mga programa ng gobyerno sa mga katutubo upang wakasan ang pagsasamantala ng mga maka-kaliwang grupo.
Aniya, layunin din ng kanilang pag-iikot na mabigyang solusyon ang mga kinakaharap na problema ng mga pamayanang katutubo sa pamamagitan ng isang konsultasyon.
Kabilang sa mga tinalakay ay ang mga usapin sa lupa, pamamahala, ritwal, kinagisnang tradisyon at mga programa para sa mga katutubo.
Paglilinaw ni Capuyan, pagmamamay-ari ng mga katutubo ang kanilang lupa, at ito ay kinikilala ng gobyerno sa bisa ng Republic Act 8371 o Indigenous People’s Rights Act of 1997.
Dagdag niya, kinakailangang palaguin at protektahan ang kultura ng mga pamayanang katutubo sa Pilipinas.
Bukod sa konsultasyon, ipinaliwanag ni Capuyan ang Four Bundles of Rights at 11 Building Blocks of resilient, responsive and relevant Indigenous Cultural Communities/Indigenous Peoples. (CLJD/TJBM-PIA 3)