LUNGSOD NG MALOLOS — Isasama ang mga natural at makakalikasan na
pamamaraan sa mga plano, proyekto at programa upang mabawasan ang
pagbabaha sa baybaying mga bayan at lungsod sa Bulacan at Pampanga.
Ito ang isinusulong ng mga eksperto sa water management at flood control mula
sa Netherlands, sa ginanap na North Manila Bay Flood Protection Strategy-
Briefing on Nature-Based Solutions Dialogue sa lungsod na ito.
Inorganisa ito ng Alyansa ng mga Baybaying Bayan ng Bulacan at Pampanga (ABB-
BP) na dinaluhan ng mga municipal at city architects, engineers at planners mula
sa Obando, Meycauayan, Marilao, Bocaue, Balagtas, Guiguinto, Bulakan, Malolos,
Paombong, Hagonoy at Calumpit sa Bulacan; at sa Masantol, Macabebe, Sasmuan
at Lubao sa Pampanga.
Paliwanag ni Matthijs Zijlmans, project manager ng Partners for Water ng The
Netherlands Enterprise Agency sa ilalim ng Dutch Ministry of Economic Affairs and
Climate Policy, kinakailangan na lakipan o samahan ng nature-based approach ang
mga flood control projects upang mabalanse ang aspetong biyolohikal ng tubig at
mga nabubuhay dito.
Kabilang dito ang seryosong malawakang pagtatanim ng mga bakawan sa tabi ng
mga itinayo at itatayo pang mga dike mula sa baybayin ng Obando sa Bulacan
hanggang Lubao, Pampanga.
Gayundin ang pagtatakda ng naaangkop na lugar para maging fish pens sa mga
anyong tubig at fish ponds sa mga anyong lupa, upang maging maayos ang daloy
ng tubig. Iba pa rito ang hindi paglalagay ng mga material recovery facilities sa
tabi o malapit sa mga anyong tubig.
Inirerekomenda rin ang sistematikong paghuhukay ng mga bumabaw nang bahagi
ng mga ilog at dagat. Nakapaloob dito ang sistematikong pag-aalis ng lahat ng uri
ng mga iligal na istraktura sa lahat ng daluyan ng tubig.
Tinukoy na dapat maiprayoridad sa isang malawakang paghuhukay o dredging ang
mga ilog ng Pamarawan, Malolos, Angat at Pampanga.
Ang bansang Netherlands ay katuwang ng pamahalaang nasyonal sa
pagsasakatuparan ng Manila Bay Sustainable Management Plan sa pamamagitan
ng pagbibigay ng mga ayudang teknikal. Kaya naman, hangad ng ABB-BP na
isulong ang pagkakaroon ng isang official development assistance mula sa
pamahalaan ng Netherlands. Ito’y upang mapondohan ang ilang bahagi ng mga
flood control projects ng nasabing mga bayan at lungsod.
Samantala, tiniyak ni Gov. Daniel Fernando na magpapatuloy ang pagsusuyod at
pagpapalalim ng lahat ng mga anyong tubig partikular na sa mga baybaying bayan
at lungsod sa Bulacan.