LUNGSOD NG PALAYAN (PIA) — Lubos ang pasasalamat ng mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa Nueva Ecija sa natanggap na Certificate of Condonation and Release of Mortgage (CoCRoM) na ipinamahagi ng Department of Agrarian Reform (DAR).
Ang distribusyon ng nasa 9,832 CoCRoM sa 6,000 ARBs ay pinangunahan mismo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ayon sa Pangulo, lagpas P270 milyong pagkakautang ng mga benepisyaryo ng repormang agraryo sa Nueva Ecija ang mawawala na dahil sa natanggap na CoCRoM sa ilalim ng New Agrarian Emancipation Act.
“Sa tulong nito, maiibsan ang bigat ng inyong mga pasanin at magkakaroon ang lahat [ng] pagkakataong makabangon at makapagsimula muli,” pahayag ng Pangulo.
Kabilang sa mga benepisyaryo nito ay si Guillermo Lumibao mula sa bayan ng Talavera na humigit 30 taon nang nagsasaka.
“Sobrang makakatulong ito sa amin dahil ‘yung ibabayad sana namin sa amortization ay mapupunta o magagamit na lang namin sa pagsasaka at sa pang-araw araw naming pangangailangan. Kaya napakainam ng condonation na ibinigay sa amin ng Pangulo,” sinabi ni Guillermo.
Pasasalamat din ang ipinaaabot ni Ernesto Adriano mula sa bayan ng Quezon na hindi na maalala kung magkano ang pagkakautang sa lupang sinasaka dahil taon pang 2014 nang huling nakapagbayad.
“Kaming mga magsasaka ay mahihirap lamang lalo na ang mga walang ibang ikinabubuhay kundi ang pagsasaka. Kaya kami nagkakautang ay dahil nakadepende rin sa panahon ang aming pag-ani,” pahayag ni Adriano.
Kaugnay nito ay nilinaw ni Pangulong Marcos na hindi pa rito natatapos ang pamamahagi ng CoCRoM sa Nueva Ecija dahil mayroon pang nakalinyang mahigit 4,000 magsasakang tatanggap ng tulong mula sa pamahalaan, na sa kabuuan ay may mahigit P500 milyong utang para sa lupang pang-agraryo.
Maliban sa ipinagkaloob na CoCRoM ay pinangasiwaan din ng Pangulo ang distribusyon ng agri-credit checks na nagkakalahaga ng halos P41 milyon para sa 471 ARBs sa Nueva Ecija.
Isa sa 12 Agrarian Reform Beneficiary Organizations (ARBOs) na tumanggap ng tseke ay ang Kaagapay Agrarian Reform Cooperative mula sa bayan ng Talavera, na tumanggap ng humigit P6 milyong pautang na mapakikinabangan ng mga miyembro.
Ayon sa kanilang pangulo na si Arnel Jason Baldedara, malaking tulong ito para sa mga miyembrong ARBs na bukod sa mababa lamang ang interes ay hindi na sila mababahala na maaantala ang kanilang paghahanda sa bukid dahil nakagayak na ang pondo sa oras na kanilang kailanganin.
“Maraming maraming salamat po sa ating gobyerno at kay President Ferdinand Bongbong Marcos Jr at sa ating Secretary Conrado Estrella III, dahil mayroon tayong mga ganitong programa na talagang nakatutulong sa mga magsasaka,” dagdag na pahayag ni Baldedara.
Samantala, nagpaabot din ng lubos na pasasalamat ang pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija sa mga ibinabang programa ng pamahalaang nasyonal sa mga magsasaka sa probinsya.
Ayon kay Vice Governor Anthony Umali, ang pamamahagi ng 6,000 CoCRoM sa ilalim ng Republic Act 11953 ay isang malaking tulong upang mapagaan ang mga pinansiyal na pasanin ng mga magsasaka.
“Ang kanilang kalayaan mula sa pagkakautang ay isang hakbang patungo sa mas maunlad na kinabukasan para sa kanilang pamilya,” dagdag ng Bise Gobernador.
Kasabay pa aniya ang pamamahagi ng mga tseke sa mga ARBOs na patunay ng patuloy na suporta ng pamahalaan sa sektor ng agrikultura upang masiguro na may sapat na tulong at pondo ang mga magsasaka sa pagpapaunlad ng kanilang sakahan. (CLJD/CCN, PIA Region 3-Nueva Ecija)