GABALDON, Nueva Ecija – Muling inilikas ng pamahalaang lokal ang may 60 pamilya, karamihan ay Dumagat, sa Barangay Malinao dito Miyerkules ng gabi dahil sa panganib ng pag-apaw ng Dupinga River.
Ayon kay Mayor Jobby Emata, nais nilang masiguro ang kaligtasan ng mga residente matapos naagkaroon ng “mini-dam” dahil sa landslide sa itaas na bahagi ng ilog nitong Miyerkules ng madaling araw.
Bandang ala-1 ng madaling araw nang halos mawala ang agos ng tubig sa ibabang bahagi ng ilog kaya’t mabilis itong sinuri ng municipal disaster risk reduction and management office.
Dito ay nasumpungan ang landslide na humarang sa ilog at nag-imbak ng maraming tubig doon.
“Mabuti na lang at kusang bumigay nang unti-unti ang nakaharang na lupa pagkalipas ng anim na oras. Kung tumagal pa ay mas mapanganib,” sabi ni sangguniang bayan member Adel Manabat.
Ayon kay Manabat, hindi ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng mini-dam sa itaas ng ilog. Nangyari na aniya ito ilang taon na ang nakararaan at nakaapekto sa tulay sa national highway patungong kabayanan at Dingalan, Aurora.
Ayon sa MDRRMO, bandang alas-7 ng umaga nang umagos ang tubig sa ilog.
Paliwanag ni Emata, ang paglilikas ngayong gabi ay alinsunod sa payo ng Mines and Geosciences Bureau na sumuri sa landslide area.