Home Headlines Nasa kabataan pa nga ba ang pag-asa ng bayan?

Nasa kabataan pa nga ba ang pag-asa ng bayan?

766
0
SHARE

Rizal ang nagsabing nasa kabataan
ang pag-asa nitong ating Inangbayan
sa araw ng bukas, pero ang tinuran
ng dakilang tao ating maasahan?

Hayan, matapos ang mahigit isang siglo
nang pagbaril sa martyr na Pilipino
ng mga Kastila ay nagkatotoo
ba ang sinabi r’yan ng mapuring tao?

Hindi, lalo sa ating kabataan ngayon
na malayo na sa nagdaang panahon
ang pag-uugali’t asal kaysa noon
itong kabilang sa bagong henerasyon.

Ya’y sanhi marahil nang sila‘y namulat
sa buhay na kahit maghapon, magdamag
sila-sila itong sa bawat paglipas
ng mga sandali ay kulang sa lingap.

Pagkat karaniwan ay sila-sila lang
Na magkakapatid itong nasa bahay,
Kundi man sila ay nasa paaralan
At nasa namamasukan kapwa ang magulang.

Alalaon baga, walang magtuturo
pati ng paggamit nila ‘po’ at ‘opo’
kaya ang resulta pati nang pagturo
ng ‘GMRC’ di magawa lalo.

Inalis na kasi bilang ‘curriculum’
ng namamahala sa’ting edukasyon,
kaya ang resulta kakulangan ngayon
ng mapamarisan ang ‘youth out of school’.

At mga Guro din ang may pagkukulang
sa kung anong dapat maging ekstra nilang
maituro – sa’ting mga kabataan
upang matutuhan ang iba pang bagay.

(At nang dahil si Mam ay may ekstra
din namang sa ‘school’ sariling paninda
para kahit konting barya ay kumita
di makapag-‘share’ ng konting oras niya.

Na kahit man lang ay kanyang maituro
ang kahalagahan ng ‘binwis na dugo
ni Rizal para sa kalayaang tungo
sa kasarinlan ay di magiging bigo.

Ang kahalagahan nang pagnanais niyang
makawala tayo sa kadenang bakal
ng mapang-alipin na kagaya riyan
ni Felipe, Yamashita at ‘Uncle Sam’.

Maliban kay Xi Ping at iba pang nais
angkinin ang ganda ng ating paligid
na mababanaag sa pisngi ng langit
ang ngiti ni Maria Clara na kaytamis.

At itong aniya ay nasa kabataan
nga itong pag-asa nitong ating bayan,
di maglalaon ay atin din makamtan
sa pamamagitan ng pinag-aralan..

Kung saan sa tulong ng ating gobyerno
ay makamit natin ang patas na trato,
Dukha at mayaman magkasama ito
Patungo sa tunay na ikapagbago!)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here