Home Opinion ‘Narco-list,’ ilabas na dapat

‘Narco-list,’ ilabas na dapat

702
0
SHARE

KUNG tunay nga na may hawak si Pangulo
ng listahan nitong mga pulitiko
na sangkot sa ‘drug trade,’ bakit di pa nito
ilabas ‘yan bago ang eleksyon mismo?

O bago pa mag-‘file’ ng COC dapat
ay ‘in public’ na nga niyang inihayag
itong noon pa man ay isiniwalat
na sana niya upang malaman ng lahat.

Kung sinu-sino sa mga tumatakbo
ang di na rin sana nagpagod ng husto
at nagkagasta sa pagkakandidato
kung sila’y kabilang sa ‘narco-list’ nito.

Na hayan naglibot na sa buong bansa
itong sa ‘national post’ ay naglipana
para iparating ang kanilang nasa
na makapagsilbi umano sa madla.

Pero matapos magpagod at gumasta
ng di lamang libo kundi ‘in millions’ na,
partikular ang sa ‘national arena.’
saka ihahayag ang ganyan tama ba?

Sa puntong yan, eh di pa man ang pangalan,
halimbawa ng tumatakbong Congressman,
Senador at pati na r’yan ang panglokal
na kandidato ay damay sa isyung ‘yan?

Papano kung itong ‘narco-list’ na hawak
ni Sir, di lahat ng dito nakasulat
ay ‘involved’ nga pala, di pa man ay wasak
na ang pangalan ng kasama sa ulat?

Ang ‘presumption of innocence’ ng sinuman
ay marapat nating isaalang-alang
pagkat hangga’t hindi napapatunayan,
inosente sa akusasyon ang lahat n’yan.

Kaya kung talagang totoo ang hinggil
sa ‘narco-list’ na ‘yan mas makabubuting
ilabas na at huwag bago ang May 13
ihayag ‘in public’ ng Pangulo natin.

Nang sa gayon ay malaman nating lahat
kung sinu-sino r’yan ang sa ‘illegal drugs’
ay sangkot talaga huminto na dapat
sa pamumudmod ng kuartang limpak-limpak.

At itong malinis at walang anumang
bahid ni katiting na katiwalian
ay mabigyang pagkakataong mahalal
sa anumang puestong nais mahawakan.

Kung ani Interior Secretary Año,
ang ‘narco-list will be first undergo
thorough validation,’ bago sa publiko
ilabas, sana ay madaliin ito.

At di kung kailan ay maghahalalan na
saka ihahayag ang hari at reyna
ng mapaminsalang illegal na droga,
magmula sa ‘grassroots’ hanggang sa Kamara.

(At hindi rin tayo nakasisiguro
na wala ni isang kawal ang Palasyo
itong may ‘acces’ din ng ganyang negosyo
dahil di lahat ay kontralado nito).

Kaya madaliin na ang paghahayag
sa nilalaman ng mga nakasulat
sa ‘narco-list’ hangga’t may sapat na oras,
na maipabatid ‘yan sa ating lahat!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here