LUNGSOD NG MALOLOS – Matapos ang mahabang paghihintay, pagkakalooban ng power at water supply ng ang mga paaralang Dumagat sa bayan ng Norzagaray.
Ito ay matapos pagtibayin at tugunan ng National Power Corporation (Napocor) ang kahilingan ni Bulacan Gov. Wilhelmino Alvarado.
Ang unang paaralang makikinabang ay ang Coliangco Dumagat School sa Sitio Dike, Barangay San Lorenzo, Norzagaray na nasa loob ng bakuran ng Napocor na siyang namamahala sa Angat River Hydro Electric Power Plant (Arhepp).
Ayon kay Froilan Tampinco, presidente ng Napocor, hiniling ito ni Alvarado na mabigyan ng probisyong kuryente at tubig ang paaralan ng mga Dumagay kaugnay ng 4th Regional Full Council Meeting ng Cental Luzon
Regional Development Council na isinagawa noong nakaraang buwan sa Baler Sports Complex, Baler Aurora.
Sinabi ni Tampinco na magkakabit ang Napocor ng mga solar panels upang maiwasan ang hindi awtorisadong paggamit ng kuryente at magtatayo rin sila ng artesian well para sa maiinom na suplay ng tubig.
“We are now in the process of preparing the design and the estimate of the needed utilities for this project,” ani Tampinco.
Ang Coliangco Dumagat School ay may dalawang gusali na may tig-dalawang silid aralan.
Ito ay itinayo may 10 taon na ang nakakaraan sa pamamagitan ng donasyon ng Coliangco Family at ng Antonio Roxas-Chua Foundation sa ilalim ng “Operation Barrio Schools Project” ng Federation of Filipino-Chinese Chamber of Commerce and Industry (FFCCCI) at ng Bulacan Filipino-Chinese Chamber of Commerce (BFCCC).
Mula nang maitayo ang nga gusali hanggang sa kasalukuyan ay walang suplay ng kuryente ang nasabing paaralan, samantalang isang non-governmental organization ang nagdonasyon noong nakaraang taon ng tangke ng tubig para sa rainwater harvesting o pagsahod ng tubig ulan.
Sa isang pagbisita noong nakaraang taon nakita ni Gob. Alvarado ang kalagayang ito, maging ng mga katutubong nakatira sa paligid ng Coliangco Dumagat School.
“This is a perfect irony. Napocor generates power and Angat Dam has so much water but Dumagat schools and communities don’t have power and potable water supply,” ani ng Gobernador.
Iginiit pa niya na ang nasabing proyekto ay simula pa lamang at isusunod na nila ang iba pang paaralan ng mga Dumagat na matatagpuan sa iba’t-ibang pamayanan sa loob ng kabundukan ng Sierra Madre sa taong ito.