Napocor: Matatag ang Angat dam

    560
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG MALOLOS – Naninindigan ang National Power Corporation (Napocor) na hindi masisira ang Angat dam na pinamamahalaan nito kahit na lumindol na may lakas na 7.2 magnitude.

    Ngunit batay sa mga dokumentong naipon ng Punto, umabot sa magnitude 7.9 ang pinakamalakas na naitalang lindol sa kasaysayan na nagpayanig sa kalakhang Maynila sa pagitan ng mga taong 1589 at 2000.

    Bukod dito, naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang 23 malalakas na lindol na yumanig sa Maynila at karatig na lugar sa pagitan ng nasabing panahon, at 13 sa mga ito ay naghatid ng mga pinsalang ngayon ay mababakas pa sa nasabing lungsod.

    Ang magnitude 7.9 na pinakamalakas na lindol na naitala sa bansa ay higit namang mas mababa kumpara sa magnitude 8.9 na lindol na puminsala sa Japan noong Marso 11.

    Ayon kina Froilan Tampinco, pangulo ng Napocor, at Inhinyero Rodolfo German ng Angat River Hydro Electric Power Plant (Arhepp), matatag ang Angat dam.

    Iginiit pa nila na kahit lumindol ng magnitude 7.2, katulad ng babala ng Phivolcs, ay hindi masisira ang dam.

    Ngunit sinabi rin ni Tampinco na sisimulan na nila ang pag-aaral sa katatagan ng dam upang matukoy kung anong paghahahanda ang magagawa nila sakaling magkatotoo ang babala ng Phivolcs.

    Batay sa tala ng Phivolcs na naipon ng Punto, umabot sa magnitude 7.9 ang pinakamalakas na naitalang lindol sa kasaysayan na nagpayanig sa kalakhang Maynila at karatig na lugar.

    Ang sentro ng nasabing lindol ay naitala sa Taguig Rizal (ngayon ay sakop ng kalakhang Maynila) noong Nobyembre 30, 1645.

    Ang nasabing lindol ay halos kasing lakas ng magnitude 7.8 na lindol na nagpayanig sa kalakhang Maynila noong Hulyo 16, 1990 na naging dahilan ng pagkamatay ng maraming tao at pagkapinsala ng bilyong halaga ng ari-arian.

    Batay sa tala ng Phivolcs, umaabot sa 23 malalakas na lindol ang nagpayanig sa kalakhang Maynila at karatig na lugar nito sa pagitan ng taong 1589 at 2000. Ang pinakamahina sa mga ito ay naghatid ng pagyanig na magnitude 6.

    Ayon sa Philvolcs, 13 sa 23 malalakas na lindol na nabanggit ay higit na mapaminsala.

    Bilang patunay, sinabi ni Leonila Bautista ng Philvolcs sa kanyang pag-aaral na ilan sa mga palantandaan ng mga nasabing malalakas na lindol ay makikita pa ngayon sa mga istraktura sa Maynila.

    Sa pananaliksik ni Bautista, inilahad niya na mahigit 150 bahay sa Intramuros at mga simbahan katulad ng tore, bubong at kapilya ng Katedral ng Maynila ang bumagsak; maging ang pader, bubong at mga tore ng iba pang istraktura tulad ng simbahan ng San Agustin, Santiago Church, monasteryo ng San Juan De Letran, simbahan ng San Juan de De Dios at kumbento ng Simbahan ng San Miguel; at iba pa.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here