Napocor kakasuhan ng Bulacan

    338
    0
    SHARE

    HAGONOY, Bulacan – Sasampahan ng kaso ng Bulacan ang National Power Corporation (Napocor) dahil sa malawakang pagbaha sa lalawigan matapos ang bagyong Pedring.

    Ito ay matapos makaipon ng ebidensya ang pamahalaang panlalawigan na nag-uugnay sa pagbaha sa mga bayan ng Calumpit, Hagonoy, Pulilan, Paombong at Lungsod ng Malolos at pagpapatapon ng tubig ng Angat Dam.

    Ang nasabing ebidensiya ay nagpasubali sa naunang pahayag ng Napocor, Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (Pagasa), at ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) ang tubig sa dam ay hindi nagdulot ng pagbaha sa Bulacan dahil sinunod umano lamang nila ang kanilang protocol o patakaran.

    “Nasa akin na ang draft ng demanda, ipina-finalize na lang namin,” ani Gob. Wilhelmino Alvarado.

    Ang planong pagsasampa ng kaso laban sa Napocor ay ipinahayag ni Alvarado sa kanyang lingguhang palatuntunan sa Radyo DWSS 1494 AM Khz noong Sabado, Oktubre 8.

    Ayon kay Alvarado, ang demanda ay lalagdaan ng mga opisyal ng lalawigan kabilang ang mga alkalde ng mga bayan at lungsod na naapektuhan ng pagbaha mula Seyembre 27 hanggang Oktubre 7.

    Ibinulgar niya na samantalang itinatanggi ng mga ahensiya ng gobyerno na hindi naging sanhi ng pagbaha sa lalawigan ang pagpapatapon ng tubig sa dam, malinaw umano ang kanilang ebidensiya.

    “Hindi maitatanggi na simula noong manalasa ang bagyong Pedring noong Setyembre 27 ay nagsimula na ring lumubog sa baha ang Calumpit, Hagonoy at Pulilan,” ani Alvarado.

    Binigyang diin niya na kung ang nasabing baha ay sanhi ng backfloods mula sa silangang Gitnang Luzon, ang tubig baha ay darating lamang sa Hagonoy at Calumpit sa pagitan ng Setyembre 29 at 30 dahil ang backfloods ay naiipon sa Candaba Swamp.

    Ayon sa punong lalawigan, ang pagbaha sa lalawigan ay masasalamin sa mga impormasyong naipon mula sa National Irrigation Administration (NIA) na siyang namamahala sa Bustos Dam na matatagpuan sa pagitan ng mga bayan ng Bustos at San Rafael.

    Batay sa tala ng NIA, sa mga unang oras ng pananalasa ng bagyong Pedring ay nagpapatapon lamang sila ng 500 cubic meters per second (cms), ngunit ito ay tumaas sa 900 cms hanggang 1,500 cms.

    Samantalang sa Bustos Dam din tumatapos ang tubig mula sa Bayabas River mula sa bulubunduking bayan ng Donya Remedios Trinidad, iginiit ni Alvarado na maraming tubig ang itinapon at pinadaloy ng Angat Dam sa Ilog Angat.

    Ito ay dahil sa tubig na nagmumula sa Umiray, Quezon na pinadadaloy sa 13-kilometrong Umiray-Angat Transbasin Project (UATP).

    Ang UATP at isang proyekto ng Metropolitan Waterworks and Sewerage Service (MWSS) na karaniwang nagdadagdag ng siyam hanggang 13 cms ng tubig sa Angat Dam.

    Ngunit sa panahon ng pananalasa ng bagyong Pedring, umabot sa 1,500 cms hanggang 3,000 cms ang napadaloy na tubig sa UATP patungo sa Angat Dam.

    Ayon kay Alvarado, ikinagalit ito ni Inhinyero Froilan Tampinco, ang pangulo ng Napocor kaya’t tinawagan ang namamahala sa UATP.

    “Even Napocor president Tampinco got mad because too much water on the dam can endanger it,” ani Alvarado. 

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here