Home Headlines Napaagang Undas, iilang bumibisita sa sementeryo

Napaagang Undas, iilang bumibisita sa sementeryo

1114
0
SHARE

Si Fr. Roderick Miranda, IFI-Samal parish priest, habang nagdarasal at nagbabasbas ng puntod ng yumao. Kuha ni Ernie Esconde


SAMAL, BataanPinaaga ng pandemya dulot ng coronavirus disease ang paggunita sa Undas sa Bataan tulad na lamang sa bayang ito na hindi sa ika-1 ng Nobyembre ang pagdalaw sa mga puntod ng yumao kundi sa pagitan ng ika-15 at ika-28 ng Oktubre.

Sa malaking gate ng Iglesia Filipina Independiente (IFI) Cemetery sa Barangay Sta. Lucia, nakapaskel ngayong Sabado ang mga araw ng pagdalaw na hinati sa 14 na barangay.

“Please wear face mask, face shield and observe social distancing,” paalaala sa lahat ng dumadalaw sa libingan ng mga Aglipayano.

Bago pumasok ang sinoman sa sementeryo, kailangang ilista ang pangalan, address at contact number at malagyan ng alcohol ang mga kamay. May nakabantay na mga barangay tanod.

Iniutos ng pamahalaang bayan ang schedule ng pagdalaw sa lahat ng libingan sa Samal dahil sa pagbabawal ng inter-agency task force ng pagpasok sa mga sementeryo sa buong bansa mula ika-29 ng Oktubre hanggang ika-4 ng Nobyembre ng taong ito.

Bagama’t nagsimula ang pahintulot na makabisita sa mga puntod ng yumao noon pang ka-15 ng Oktubre, kapuna-puna na iilan pa lamang ang dumadalaw sa mga puntod ng kanilang kaanak.

Wala ang nagsisiksikang mga tao na karaniwan sa mga Undas na nagdaan. Iilang puntod pa lamang ang may sariwang bulaklak at sinindihang kandila.

Madalang pa rin ang nagpapabasbas sa pari ng puntod ng mga yumao. Sinabi ni Fr. Roderick Miranda, IFISamal parish priest, na nagkaroon ng schedule sa pagdalaw ang mga residente ng bawat barangay.

“Sa mga kapwa ko Aglipayano, sundin natin ang protocol kung pupunta sa sementeryo. Alam ko napakahalaga sa atin ang pagdalaw sa mga yumao, pag-aalay ng bulaklak, pagtitirik ng kandila pero hinihingi pa rin natin na ibigay ang ibayong pag-iingat para na rin sa ating kaligtasan,” sabi ng butihing pari.

Isa si Wilma Adday ng Barangay Sta. Lucia, sa mangilan-ngilang tao sa IFI Cemetery na nakabantay sa puntod ng kanyang mga kaanak.

Sa kung ano ang masasabi niya tungkol sa pagbabawal sa pagdalaw sa sementeryo sa mismong araw ng Undas, sagot ni Adday kailangan kasi. Ingat na lang dahil ipinagbabawal.”

Si Liberty Santos ng Barangay Sapa ay nag-alay ngmga bulaklak sa puntod ng anak at ibang kaanak. “Okay lang, kahit hindi Undas lagi kaming dumadalaw dito, sabi nito sa napaaga niyang pagdadala ng bulaklak.

May ilan namang nag-aayos pa lamang ng puntod.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here