Home Opinion Nananabik

Nananabik

748
0
SHARE

ISA SA mga dinarasal ng pari kapag Misa, sa bahagi pagkatapos ng Ama Namin ay isang panalangin na nagpapahayag, para sa akin, ng pinaka-diwa ng ikatlong Linggo ng Adbiyento: ang GAUDETE. Ganito ang sinasabi ng panalangin:

“Hinihiling naming kami’y iadya sa lahat ng masama, pagkalooban ng kapayapaan araw–araw, iligtas sa kasalanan at ilayo sa lahat ng kapahamakan samantalang aming PINANANABIKAN ang dakilang araw ng pagpapahayag ng Tagapagligtas naming si Hesukristo.” Ang lumang English translation nito ay “As we WAIT IN JOYFUL HOPE for the coming of our savior Jesus Christ.” Ang galing naman ng linggwahe natin, ano? Biro mo, tatlong salita “waiting in joyful hope”, ginawang iisang salita lang sa Tagalog: aming “PINANANABIKAN”.

Kaya ang title ng homiliyang ito para sa GAUDETE ay NANANABIK. Pasensya na po dahil alam ko na kung medyo kaedad ninyo ako, siguradong ang naaalala ninyo sa salitang ito ay ang maharot na kanta ni Didith Reyes na sumikat noong 1980s at pinamagatang NANANABIK:

“Nananabik… Puso ko sa iyo’y nananabik, hanggang kailan matitiis ang hapding dinaranas…. Nananabik…Giliw ko sa yong pagbabalik, wala nang halaga ang buhay kung wala ka na… 

Sa piling ko ala-alang lumipas na… at ako ay alipin pa…ng pag-ibig mong kay tamis at kay sarap gunitain…

Nananabik…. 

Nananabik… Sa iyo…

Ang binabanggit niyang pananabik ay bunga ng alaala ng matamis at masarap na lumipas kapiling ang kanyang minamahal na katipan, at ng paghihintay niya sa kanyang pagbabalik. (Siguro nag-abroad at hinihintay niyang umuwi.)

Noong unang Linggo ng Adbiyento, nabanggit ko sa inyo na ang pagdating na pinaghahandaan natin sa adbiyento ay may tatlong panahon: kahapon, ngayon, at bukas. Nabanggit ko rin na napakabilis lumundag ng bukas sa kahapon, lalo na kung hindi natin isinasabuhay at pinagyayaman ang ngayon. Kaya nasabi ko, “Ang pinakamahalagang pagdating na dapat paghandaan sa adbiyento ay HINDI KAHAPON O BUKAS kundi NGAYON.”

Parang ganito rin ang mensahe ni Hesus sa mga sugo ni Juan Bautista bilang sagot sa masakit na tanong sa kanya: “Ikaw na ba talaga ang hinihintay namin o hahanap na lang kami ng iba?” Sa madaling salita, “Tapatin mo na lang kami kung nagkamali kaming umasa sa iyo.” Palagay ko, may background ang masakit na tanong na ito ni Juan. At ito’y ang nakarating na intriga sa kanya tungkol kay Hesus habang siya’y nasa dilim ng bilangguan. Na ang ipinahayag niya na pinakahihintay na tagapagbago ng bayang Israel ay siya palang nagbago, nagbago ang ugali—nagumon sa kamunduhan, naging matakaw at lasinggero, nakikikain at nakikiinuman sa mga makasalanan.

Sa madaling salita ang mensahe ay “Kung totoo ang narinig kong balita tungkol sa iyo, wala nga kaming future sa iyo. Ang hinangaan pala namin noon at nagbigay pag-asa sa amin parang alaala na lang ng lumipas.”

Kaya may katarayan nang kaunti ang sagot ni Hesus. Sa tingin ko, hindi si Juan ang gusto niyang tarayan kundi ang mga intrigerong sugo na lumason sa isip ni Juan sa loob ng bilangguan tungkol sa mga ginagawa ni Hesus sa kasalukuyan sa ginagawa niyang pakikihalubilo sa mga “tupang ligaw.” Kaya sinabi niya, “Sabihin ninyo kay Juan ang NAKIKITA NINYO AT NARIRINIG: ang mga bulag nakakikita; ang mga lumpo ay nakalalakad; ang mga ketongin ay gumagaling; ang mga patay ay bumabangon na muli; at ang mga dukha ay nakaririnig ng mabuting balita.” Ibig sabihin, iyung totoong nangyayari, iyon lang ang ibalita kay Juan, hindi mga kuro-kuro ninyo o mga paunang hatol na lalong nagpapadilim sa kanyang masaklap na kalagayan. Kung ibig ninyong maranasan ang pananabik sa kasalukuyan, alisin ninyo ang mga sama ng loob, pag-aalinlangan at pagkabalisa na pumipigil sa inyo para makita kung paano gumagalaw ang kamay ng Diyos at upang marinig ang kanyang tinig sa mga nangyayari NGAYON MISMO.

Ang GAUDETE ay PAGSASA-NGAYON ng kahapon at bukas. Isang pananabik sa hinaharap dahil sa alaala ng nakaraan na nagpapabago sa kasalukuyan. Ang tawag dito ay PAG-ASA na nagbibigay liwanag sa dilim. Sabi ko nga noong Unang Linggo, ang Diyos ay nagpapakilala bilang WALANG HANGGANG NGAYON. Hangga’t mayroong NGAYON, pwede pang samantalahin ang mga dumarating na pagkakataon, pwede pang itama sa kasalukuyan ang mga pagkakamali ng nakaraan, pwede pang isantabi o talikuran ang mga pagsisisi at mga hinanakit, pwede pang piliin na maging masaya at magpasaya ng iba, pwede pang mabigyan ng bagong kabuluhan ang buhay, pwede pang namnamin ang bawat sandali, bago ito lumipas, bago sumapit ang katapusan. Hindi ba sapat na dahilan ang lahat ng ito upang MANABIK?

(Homiliya para sa Linggo ng Gaudete, Ikatlong Linggo ng Adbiyento Taon A, Ika-11 ng Disyembre 2022, Mat 11:2-11)

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here