BILANG kolumnista o mamamahayag
hanggang sa tumanda ako’t nagka-edad
mahigit otsenta ay tanda ko ang lahat
ng naging pangulo nitong Pilipinas.
Sampung taon ako nang maging pangulo
ang kabalitan sa Uinola nito,
na gawa umano sa lantay na ginto;
kaya nga’t naging ‘talk of the town’ si Apo.
Sumunod… Magsaysay, na siyang naging daan
nang pagbalik-loob sa pamahalaan
ni Luis M. Taruc nang magkasundo silang
ayusin ang repormang pinaglalaban.
Pumalit si Carlos Garcia, na sinundan
ni ‘land reformist’ Diosdado Macapagal;
Marcos ang sumunod, na siyang nagpa-iral
ng ‘martial law’ at sa ‘press freedom’ sumakal.
Corazon Aquino ang siyang sumunod,
na coup d’etat naman diyan itong halos
inilunsad nang siya itong nakaluklok,
at walang inani kundi ng batikos.
Kung saan si Louie Beltran kinasuhan
ng ‘libel’ ni Cory sa isinulat niyan
na nagtago sa ilalim ng kama si Mam
nang magka-‘coup d’etat’ sa Palasyo minsan.
Kay FVR, sa ‘press’ di naging maramot
at wala ni isang media yata halos
ang sa ‘libel case’ ay nagawa ni Ramos
na sitain man lang o kaya tinakot.
Sa kapanahunan ni Josephh Estrada,
dalawang ‘broadsheets’ ang kinasuhan niya
ng ‘libel’ at ipag-utos na isara
para itigil ang sa kanya pagbira.
Kay Kabalen, muntik nang ala Marcosian
ang sa isang proklamasyong pina-iral
n’yan para lang dakpin ang isang heneral,
at iba pa yatang sa kanya pasaway.
Sumunod si PNoy na hindi nahiya
na ipakita at ihayag sa madla,
itong kay Chief Justice Corona, pagsipa
sa hindi pagpabor sa kanyang ginawa.
At heto ang administrasyong Duterte
ganyan din ang ating sa tuwirang sabi,
na mai-uugnay sa kanyang sinabi;
na ‘anti media’ kung suriing mabuti.
Na napakalinaw na maaaninag
sa panukala ng mga mamababatas
na kaalyado n’yan ang inakdang batas,
na ‘libel’ ang kahit totoo, isulat?
Asan ang ‘freedom of speech and expression’
sa puntong ito na sikil ng damuhong
direktiba r’yan ang paghahayag nitong
ating ninanais sa bayan isuplong?
Gaya ng ginawa n’yan kay Maria Ressa,
at kung sino pa ang isusunod nila;
sa kagaya nating di takot bumabangga
sa pader kung tayo’y natatapakan na.
Ito’y di isyu lang ng ating malayang
pamamahayag na ikinadena riyan,
ng administrasyon kundi nang tuwirang
sa ‘freedom of press,’ matinding pagsakal!