Ang mag-amang Chen habang nakapiit sa NBI Region 3 custodial facility. Kuha ni Rommel Ramos
LUNGSOD NG SAN FERNANDO — Sumailalim na sa inquest proceedings ang dalawang Chinese nationals na naaktuhang nagpapatakbo ng Chinese pharmacy at clinic sa Angeles City na sinalakay nitong Huwebes ng National Bureau of Investigation Region 3 at Food and Drug Administration.
Naisampa na ang mga kasong paglabag sa R.A 2383 o “The Medical Act of 1959” at R.A 3720 o “The Food, Drug and Cosmetic Act as amended by R.A 9711 o The Food and Drug Administration Act of 2009” si Chinese doctor Chen, Zheng Zhong at anak nito na si Chen, Hai Fang a.k.a Tan Hei.
Napag-alaman na walang permit sa FDA at sa lokal na pamahalaan ng Angeles ang Bao An Tang Chinese Drug Store na pinamamahalaan ng dalawa.
Matapos ang raid ay napag-alaman din na walang “license to operate” ang nasabing Chinese pharmacy batay sa sertipikasyon ng FDA.
Matatandaan na magsagawa ng entrapment operation ang magkasanib na pwersa ng NBI–3 at FDA nitong Huwebes matapos makatanggap ng impormasyon na nagbebenta ng mga hindi rehistradong gamot sa lugar ang dalawang dayuhan.
Nang pasukin ang apartment ay tumambad sa mga otoridad ang mga hospital beds, mga used at unused dextrose, unregistered Chinese medicines, rapid test kits at swab kits na ginagamit na pang-detect ng Covid-19.
Sa ngayon ay hawak pa rin ng NBI ang mag-amang Chen at patuloy pa rin ang imbestigasyon sa naturang kaso.