Tulungan sa pag-ahon sa bata mula sa balon. Kuhang padala ni Rayana Jay Pazzivugan
MARIVELES, Bataan — Isang batang lalaking magtatatlong taong gulang pa lamang ang namatay matapos mahulog sa lumang balon sa isang sitio dito Linggo ng hapon.
Isinugod ng mga rumesponding rescue workers ang paslit sa Maheseco Hospital sa Mariveles ngunit idineklarang dead on arrival ito.
Ayon kay Pompeo Casuga, tanod team leader sa Barangay Alas-Asin, sinubukan ng ama na sagipin ang anak at bumaba sa ilalim ng balon ngunit hindi na makaakyat dahil hinihinalang na-suffocate sa masangsang na amoy ng balon.
Parang nahimatay, ani Casuga, ang ama nang kanilang abutan at angatin mula sa loob ng balon.
Ang balon umano ay may lalim na 20 feet at four feet naman ang taas ng tubig.
Hinihinalang naparaan ang bata sa bulok na plywood na takip ng balon na matagal nang hindi ginagamit kaya ito lumusot at nahulog.
Sinabi ni Casuga na hindi alam ng ama na sumunod ang anak sa kanyang pinagtatrabahuang apartment bilang construction worker kung saan nandoon ang balon.
Malapit lamang ang ginagawang apartment sa bahay ng bata.
Nagtulong-tulong ang mga barangay tanod at mga tauhan ng municipal disaster risk reduction management office ng Mariveles, Bureau of Fire Protection at rescue team ng Freeport Area of Bataan sa pagkuha sa balon ng bata at ama nito.