ABUCAY, Bataan — Dumaraing nitong Biyernes ang mga nagtitinda ng walis at mga naglalako ng sari-saring plastic na gamit sa bahay na sakay ng tricycle dahil sa malaking bawas sa kanilang kinikita dulot ng coronavirus disease.
Ayon kay Ronaldo Magano, isang ambulant vendor ng Barangay Mabatang, Abucay, nagsimula siyang maglako ng walis tambo at iba pang mga paninda gamit ang tricycle noong 2015. Karaniwan umano siyang kumikita noon ng P500 – P600 araw-araw.
“Nang magsimulang magka-pandemic, mababa pa sa P400 ang kinikita ko sa isang araw,” sabi ni Magano.
Maski, aniya, ang mga walis tambo na gawa sa Mabatang na halagang P130 hanggang P300 ay mahirap ngayong ibenta. Kung makabenta man daw siya ay matagal hindi katulad noong walang Covid-19.
Araw-araw naglalako sakay ng tricycle na punong-puno ng mga paninda si Magano at nakakaikot sa Abucay, Pilar, Orion, at Balanga City.
Si Mabatang barangay kagawad Aber Arellano na may puwesto ng mga itinitindang mga walis tambo at walis tingting sa gilid ng Roman Highway sa Mabatang ay apektado rin umano ng pandemya.
“Medyo mahina at matumal ang bentahan ng walis buhat nang magkaroon ng pandemya. Ang iba nagtitiis kahit wala ng walis dahil uunahin muna ang pagkain. Dati nakakabenta kami ng P5,000 isang araw pero ngayon P1,500 – P2,000 na lamang,” sabi ni Arellano.
Ginagawa ang mga walis tambo mismo sa Mabatang na tinaguriang “broom-making capital of Bataan.” Ang presyo ng walis tambo ay P70 – P250 depende sa kapal ng lasa na galing pa sa Bicol at ibang panig ng bansa. Ang walis tingting ay P25 – P50 ang isa.
Apektado rin daw ang mga paninda nina Alvin Legaspi at Mark Bautista, ambulant vendor mula sa Cabanatuan, Nueva Ecija, na gamit ang tig-isang tricycle na punong-puno ng mga panindang gamit sa bahay, laruan, at iba pa na pangkaraniwang gawa sa plastic.
“Tumumal ang benta namin dahil sa pandemic. Noong walang pandemic ay kumikita kami ng P2,000 isang araw pero ngayon pahirapan pa sa P1,000,” sabi ni Legaspi.
Sinabi ni Bautista na hindi sila nakasubok gumamit ng baka sa kanilang paglalako at sa halip ay tricycle na. May iba na lamang umanong taga-Pangasinan ang gumagamit ng baka.