LUNGSOD NG SAN JOSE DEL MONTE — Arestado ang isang nagpanggap na empleyado ng Office of the Vice President (OVP) at nagproseso ng mga pekeng dokumento ng Department of Social Welfare and Development para sa ayuda ng ilang residente ng Barangay Minuyan.
Ang suspek ay kinilala ng SJDM police na si Joel Calis y Gaspar alyas John Carlos Lo at JC Lo, miyembro ng RNA Foundation Philippines, Inc. at residente ng Caloocan City.
Ayon kay Lt. Col. Cresencio Cordero, hepe ng SJDM police, inireklamo si Calis ng tanggapan ni City Mayor Arthur Robes, DSWD Region 3, at ilang residente kung saan ang suspek ay nagpapakilalang empleyado ng OVP at nagpoproseso ng mga dokumento ng mga senior citizens, PWDs at solo parents para sa DSWD assistance.
Nakarating sa tanggapan ni Robes ang reklamo at nang i-verify si Calis ay napag- alaman na hindi ito konektado sa OVP. Dahil dito ay agad na nagtungo ang kapulisan sa lugar kung saan ay inabutan pa si Calis habang nagpo-proseso doon ng mga application forms gamit ang DSWD Logo.
Doon ay nagpakilala nga si Calis sa mga otoridad na siya ay mula sa OVP at nakasuot pa ito ng polo shirt na may logo naman ng Office of the President. Ngunit ng hanapan ng mga kaukulang dokumento si Calis ay wala itong naipakita kaya inaresto na siya ng mga otoridad at dinala sa himpilan ng pulisya para sa imbestigasyon.
Aminado daw si Calis na lumapit na nga ito sa DSWD regional offices para mag- solicit ng financial assistance at sinabi din na marami siyang kakilala na mga personalidad sa Malacañang.
Sa ngayon ay inihahanda na ang kasong usurpation of authority at iba pang criminal complaints laban kay Calis.
Sinusubukan pa ng Punto na makuha ang panig ng suspek na nakakulong ngayon sa SJDM police station.