Itim at puti ang kulay ng buong showbiz industry ngayon dahil sa pagpanaw ng nag-iisang Hari ng Komedya na si Dolphy o Rodolfo Vera Quizon in real life noong Martes ng gabi, July 10.
Itim dahil sa pagluluksa at puti naman dahil ito umano ang paboritong kulay ng comedy king.
Matapos kumpirmahin ng partner ni Mang Dolphy na si Zsa Zsa Padilla ang pagpanaw ng partner, binalot na ng luha, lungkot at pagluluksa ang buong industriya. Minutes after, dumagsa na sa Twitter at Facebook ang posts ng mga artista na nagpapahayag ng pakikiramay.
Ilan sa mga unang nag-tweet ng pakikiramay ay sina Kris Aquino, Ruffa Gutierrez, Jericho Rosales, KC Concepcion, Lea Salonga, Iza Calzado, Bianca Manalo, John Lapus, Karen Davila, Kim Atienza, Valerie Concepcion, Geneva Cruz, Rufa Mae Quinto, Jhong Hilario, Pokwang at Amy Perez, among others.
Kahapon, nagbigay din ng maikling pagpupugay ang It’s Showtime sa pagsisimula ng kanilang programa at naging emosyonal sa pagsasalita ang isa sa hosts na si Vhong Navarro.
“Kaya po ako nag-artista dahil isa po siya sa iniidolo ko at ng lahat ng kabataan at nakakatanda. Kaya po gusto kong maging komedyante, kasi si Tito Dolphy ang naging daan, (ipinakita niya) ang buhay ay dapat maging magaan lang,” pahayag ni Vhong.
“Kahit na mayroon tayong problemang pinagdaraanan sa buhay, sinasabi niya idaan mo sa tawa at ito ay nakakahawa. Kaya ‘yon ang naging daan kaya ako pumasok sa showbiz, sa pag-aartista dahil gusto kong magpasaya ng tao na kahit na may problema ako ay dinadaan ko sa tawa.”
“Salamat at ako ay isa sa napakasuwerteng tao dahil nakasama kita dahil isa kang iniidolo at salamat dahil naramdaman ko na tinuring mo akong anak kaya ngayon hanggang kailanman ay tatawagin kitang ‘Tatay Dolphy.’ I love you so much,” pahayag pa ni Vhong.
Nakatrabaho ni Vhong ang Comedy King sa sitcom na Home Along da Riles.
Habang tinitipa ang kolum na ito sa media center ng ABS-CBN, dumating na ang mga labi ni Mang Dolphy sa Dolphy Theater ng ABS-CBN.
Mula sa Heritage Park, dumiretso muna ang labi sa bahay ni Mang Dolphy sa Marina Bayhomes sa Parañaque at pagkatapos ay tumuloy na sa Kapamilya network.
Dumating ng mga 3:20 p.m. ang mga labi ni Mang Dolphy sa ABS-CBN at sinalubong siya ng mga executive sa pangunguna ng CEO na si Gabby Lopez.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Gabby na ipinakita ni Dolphy ang “the best” sa Pinoy dahil sa pagiging humble at generous.
Pinuri rin niya ito sa kakayanan “to roll with the punches” at gaya raw ng mga naging laban ng Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao, “the whole nation stops” tuwing oras ng TV show ni Mang Dolphy sa ABS-CBN noon na Buhay Artista.
“He’s more than just a comedian,” dagdag pa ng ABS-CBN big boss.
Nagkarooon agad ng mass pagdating niya na dinaluhan ng ABS-CBN execs na sina Linggit Tan, Cory Vidanes, Malou Santos, Johnny Manahan, Deo Endrinal at Gabby Lopez.
Sa mga artista, namataan namin sina Vhong, Jhong Hilario, Isabel Granada, Ya Chang (na iyak nang iyak) at Gio Alvarez.
Kasamang dumating ng kabaong ni Mang Dolphy ang anak na si Epi Quizon at isang apong babae.
After the mass, nagsimula nang dumagsa ang mga empleyado ng ABS-CBN para makita sa huling pagkakataon ang King of Comedy.
Nagsimula na ring magpapasok ng entertainment press at iba pang miyembro ng media.