HERMOSA, Bataan — Nakuhang patay na Miyerkules ng hapon ang isang lalaking natabunan ng lupa habang naghuhukay Lunes ng hapon sa Barangay Sto. Cristo sa bayang ito.
Sinabi nina kagawad Efren Manalansan ng Barangay Sto. Cristo at Jason Enriquez, chief ng municipal disaster risk reduction management office, na ang lalim ng hukay ay 30 hanggang 50 feet at may luwang na apat hanggang limang metro.
“Kasya sa butas ang isang tricycle,” sabi ni Manalansan.
Ayon kay Enriquez, may kaugnayan ang pag-ulan sa nangyaring pagguho ng lupa: “Last few days na umuulan may kaugnayan dahil na-saturate ang lupa at nagslide.”
Gumamit umano sila ng heavy equipment upang makuha ang biktima.
“Nakita ang biktima patay na. Patayo ang position na may nakadagan sa kanyang lupa. Medyo nahirapan ang retrieval operation dahil kapag umulan humihinto kami dahil iniisip namin ang kapakanan ng mga rescuers,” sabi ni Enriquez.
Nakilala ang biktima na si Marcos Niolasco, 54. Ang biktima at tatlo nitong kasama ay sinasabing taga-Bulacan.
Sinabi ni Enriquez na hindi nila alam kung ano’ng activity sa area ngunti sinasabi raw ng mga tao sa paligid na naghuhukay ang mga ito para sa gagawing fishpond.
Si Manalansan man ay nagsabing ang binabanggit lamang ng mga trabahador ay naghuhukay sila doon para fishpond o free-flowing well. Pinaghuhukay lamang daw sila pero hindi nila alam kung ano talaga ang gagawin.
Ang apat na trabahador ay binabayaran umano ng P300 kada araw na libre ang pagkain at halos isang buwan na ang mga itong nagtatrabaho sa lugar.
“Hinukay, nilimas, hindi makuha ang tao,” sabi ng kagawad. “Ang ginawa umano ay sinudsod ng backhoe ang lupa sa paligid ng butas upang makapantay sa ilalim ng hukay at makita ang biktima.”
Batay umano sa kuwento ng mga nakaligtas, nakaahon ang tatlo ngunit naiwan ang namatay.
“Naiwan ang biktima sa paghuhukay. Kakain sila. Tinatawag, pinapaahon pero ayaw umahon nang biglang matibag ang lupa at dumagan. Biglang bumuhos ang tubig at lupa sa kanya,” sabi ni Manalansan.
Sa pagguho raw ng lupa ay kamuntik pang abutan ang isa ngunit mabuti na lamang at mabilis itong nakaakyat sa hagdan.
Matapos ang pagguho, binalikan ng mga kasama ang biktima. “Sinubukang hatakin pero nakaipit. Ang natibag na lupa kasing-laki ng tricycle. Hinahango siya pero nakaipit. Malakas ang sibul na umangat nang umangat,” sabi ng barangay kagawad.
Sa bali-balitang naghuhukay ng ginto, sinabi ni Manalansan na “hindi ko masabing illegal mining dahil private property at hindi namin alam.”