Napakaraming pinerhuwisyo ng baha na dulot ng dalawang bagyo dito sa atin.
Hindi rin pala nakaligtas ang cast ng 100 Days to Heaven sa baha sa Roxas Boulevard dulot ng Bagyong Pedring last week. ’Yung mismong araw ng taping nila which was last Tuesday, nagkataong ’yon ’yung araw na nagmistulang dagat ang lugar.
Sa isang hotel kasi sa Roxas Boulevard nagte-taping ang cast kapag ang kukunan ay ang building ng Toy Company na sa story ay pag-aari ni Madam Anna Manalastas (Coney Reyez/Xyriel Manabat).
Umaga pa lang pagpunta nila sa location ay tumambad na sa kanila ang baha pero talagang pinilit pa rin nilang makarating sa building.
Kudos to Smokey Manaloto, Neil Coleta, Emmanuel Vera and Xyriel Manabat na talagang sinuong ang baha para lang makarating sa location.
Si Eman ay nag-taxi lang papunta sa taping pero hindi na siya kinayang maibaba ng driver hanggang sa location dahil nga baha na kaya bumaba siya ng taxi at sinuong ang baha.
Nadaanan naman siya ni Neil na naglalakad sa baha kaya isinakay siya nito sa sasakyan.
Si Smokey naman ay inakyat mula ground floor hanggang 12th floor ng building kung saan ang taping dahil nga nawalan na ng kuryente.
Ang nakakalokang parte, alas-dos na ay hindi pa sila kumakain dahil hindi makarating ang utility na stranded sa baha.
Kaya naman si Smokey na raw ang nagkusa na bumili ng tanghalian para sa lahat. Nasa 21st floor ang canteen ng building at mula sa 12th flr. ay inakyat din ’yun ng aktor para bumili ng pagkain. Pinakyaw nga raw nito ang lahat ng tinda sa canteen para makakain ang lahat.
Sobrang na-appreciate ng lahat ang ginawa ni Smokey at puring-puri ang husay niya sa pakikisama.
Hindi na talaga kinayang makarating nina Dominic Ochoa, Coney Reyes at Rafael Rosel dahil sa baha at ipina-pack-up na rin naman agad ng production ang taping bandang alas-tres ng hapon.
Isang unforgettable experience para sa kanila ang nangyari pero masaya raw lahat dahil para silang isang pamilya na sama-sama at nagtutulungan sa krisis.
Habang nagti-taping nga raw ay panay ang tweet nila na kahit baha ay tuloy ang taping ng 100 Days at nagkakatuwaan sila.
“Para sa ‘Yo Kapamilya!” tweet nila.
Paglabas nila ay sama-sama rin sila at puro tubig na raw talaga ang paligid nila at ang nakakatuwa, nakuha pang magbiro ni Smokey nang pagkaguluhan sila ng mga tao para magpa-picture.
“Pwede bang magpa-picture tayo kapag hindi na ako basa?” biro raw ni Smokey sa mga fans since lahat nga raw sila ay basang-basa.
Definetely, mas naging close raw sila dahil sa pangyayaring ito. Dito raw talaga masusubukan ang likas na ugali ng Pinoy na kahit nasa gitna ng kalamidad, basta’t sama-sama ay masaya pa rin.