Ayon kay Ria Vergara, maybahay ni Mayor Julius Cesar Vergara at presidente ng First Cabanatuan Venture Corp.(FCVC), ang proyekto ay pagpapakita rin ng respeto sa mga tricycle driver na arawaraw nagtitiis sa pamamasada bilang isang uri ng hanapbuhay at paglilingkod.
“Sila ang mga bayani dahil hindi biro ang mag-tricycle lalo na dito sa Cabanatuan, we’re the hottest place in Luzon, talagang I admire them. Sa totoo lang ang dami nilang pwedeng pagkakitaan na hindi sila nakabilad sa araw,” ani Vergara.
Batay sa isang pag-aaral ng World Bank, ang lungsod na ito ang may pinakamaraming tricycle batay sa sukatang kada metro cuadrado.
Sa ulat ni Ricardo Manubay, hepe ng city legalization office, umaabot sa 30,000 ang tricycle na tumatakbo sa Cabanatuan City. Mahigit 20,000 rito, ayon kay Manubay, ay may kaukulang legalization permit upang mamasada samantalang ang iba ay maaaring pribado o o nangangailangan pa ng karampatang dokumento.
Tuloy-tuloy ang kanilang tanggapan, aniya, upang maisaayos nang mabuti ang sistema ng paglilingkod sa mga driver at pasahero sa lungsod lalo’t wala ring humpay ang pagpasok ng malalaking negosyo tulad ng mga mall, paaralan, at mga bangko.
Sa kasalakuyan ay ginagawa na ang unang 500 piraso ng souvenir items na nasa 5X5 inches ang sukat at may espasyo sa bandang likuran upang paglagyan ng pangalan o larawan ng bibili upang maging personal ang dating. Inaasahang lalabas ang mga ito bago matapos ang kasalakuyang taon.
“We’re the tricycle capital of the Philippines,” sabi pa ni Verggara.
Ngunit nilinaw niya na wala siyang balak na maging personal niyang negosyo ang bagay na ito. Nais lang raw niyang matugunan ang pagnanais ng mga turista, kabilang ang kanyang mga kaibigan, na may maiuwi bilang ala-ala, bukod sa tanyag na longganisang bawang’, kapag bumibisita dito.
“Para sa ‘kin hindi siya negosyo. Gusto ko lang talagang magkaroon ng magandang souvenir yung mga taong pumupunta rito na may maiuuwi.
May option na magpagawa sa China pero gusto ko made in the Philippines. Mahalaga para sa akin na nakatatak na made in the Philippines, as sembled in Cabanatuan City,” paliwanag ng opisyal.
Umaasa siya na kung magtatagumpay ay posibleng maging malawakan ang paglikha ng medyo mura ngunit magandang miniature tricycle hanggang sa ito’y maging dagdag kabuhayan ng mga residente.
May kataasan ang halaga ng kasalakuyang ginagawa na umaabot sa P1,700 bawat isa, mas mababa ng P300 mula sa orihinal na panukala ng producer, subalit ayos pa rin ito ayon sa kanya dahil turista naman ang kanyang tinitingnan sa ngayon. “But my target so far are tourists,” aniya.
“Ang pangarap ko pag talagang nag-click at marami talagang mag-o-order, yung makapag-generate siya ng job. Kung maraming umo-order, sabihin niya pweede na tayong magtayo ng kahi maliit na pabrika. So, may job generation.”
Ikinatuwa naman ng mga driver, kabilang na ang 45-anyos na si Conrado Residerio, residente ng Barangay Pagas ang inisyatiba ni Vergara.
“Parang ipinagmamalaki kami ng mga kababayan natin kung may mga souvenir items na ganyan,” sabi niya.
Ipinagmalaki ni Residerio, kumikita ng hanggang P300 kada araw sa pamamasada ng kanyang tricycle, na taglay ng nakararaming driver ang disiplina ng pangangalaga sa mga pasahero at kanilang kagamitan.
“Maraming bagay na naiiwan sa tricycle ko, pero talagang lahat naibalik ko. Ganyan naman karamihan sa driver,” aniya, bagaman ay paminsan-minsan ay may naririnig silang reklamo laban sa kanilang kapwa-driver.
Pero bukod sa layuning turismo ay nais rin daw ipaabot ng inisyatiba ang pangangailangan sa karampatang proteksiyon ng sektor dahil madalas na nagagamit ang isyu ng pag-aalis sa kanila sa lansangan sa mga pagkakataon na kailangan ang kanilang desisyon.
Kabilang na rito, ani Vergara, ang referendum para sa naunang isinulong at idineklara ni Pangulong Aquino na kumbersiyon ng lungsod na ito sa pagka-highly urbanized city (HUC).
“Yun ang nakakalungkot, kasi palaging tinatakot sila dahi yung kabuhayan nila palaging sasabihin tatanggalin kayo pag nag-HUC. Para sa’kin mali, eh. Walang security of tenure itong mga triyce driver natin,“ aniya.
“Dapat mayroong batas na pinuprotektahan sila. Na sa tingin ko pagkukulang yan ng ating congressman dahil wala pang congressman sa Nueva Ecija na nakapag-isip ng magna carta for tricycle drivers,” paliawanag niya, sa pagsasabing marami rin namang tricycle sa iba’t ibang bahagi ng bansa.