‘Muntik na kaming mamatay’

    643
    0
    SHARE
    ANGELES CITY – Ikinwento ng isang sundalo ang kanyang malagim na karanasan sa kanilang ginawang rescue operation sa Mt. Pinatubo dahil sa malakas na pag-ulan ng nakaraang linggo.

    Inilahad ni 1st Lt. Eddie Layan, commander ng Crow Valley squadron ng FAP, ang gahiblang pagitan niya sa kamatayan sa kanilang rescue operation noong Biernes ng madaling araw para sa

    mga foreigners na natabunan ng putik sa Mt. Pinatubo.

    Aniya, nagmula sa Barangay Sta.Lucia, Tarlac ang kanyang tropa noong Huwebes ng gabi dahil sa rescue operation din sa insidente ng pagbaha doon.

    Pagkatapos ay tumungo naman sila sa Mt. Pinatubo upang iligtas ang mga biktimang nilamon ng putik ngunit ng papatawid na sa isang ilog na may habang 50 metro ay muntik na umano siyang mamatay.

    Ayon sa sundalo, tumatawid sila sa ilog sa pamamagitan ng lubid ng biglang anurin ang kasamahan niyang sundalo na si Sgt. Ticatic.

    Sinubukan umano niyang sagipin si Ticatic ngunit siya naman ang tinangay ng rumaragasang putik.

    Bagamat hanggang bewang lamang aniya ang taas ng tubig ay hindi na siya nakalaban pa dahil sa lakas ng current na may kasama pang mga bato at kahoy.

    Hindi umano siya bumitiw sa lubid ngunit marami na siyang naiinom na tubig na may kasamang mga putik at buhangin.

    At nang nasa punto na siya ng papabitiw sa lubid dahil sa hirap sa paghinga ay mapalad na hinatak naman siya ng iba pang kasamahang sundalo.

    Umaga na umano ng siya ay magkamalay dahil sa dami ng putik at tubig na pumasok sa kanyang katawan.

    Halos mag-collapse na aniya ang kanyang baga at hirap na hirap na siyang huminga ngunit pinilit niya itong isuka hanggang sa siya ay malapatan ng lunas sa isang ospital sa Tarlac.

    Sa kasalukuyan ay nagpapagaling na si Layan sa Airforce City Hospital sa Clarkfield, Pampanga habang ligtas na rin ang isa pang kasamang sundalo na inanod ng putik.

    Laking pasasalamat umano niya at buhay pa rin siya hanggang sa kasalukuyan.

    Aniya, ito rin ang kauna-unahang pagkakataon na tila may buhawi na tumama sa gilid ng kabundukan na siyang nagpabagsak sa lupa nito na siyang tumabon sa mga turistang nagtungo doon.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here