PILAR, Bataan: Nagsisilbing laruan ng mga bata at pasyalan ng nakatatanda ang harapan ng munisipyo at Flaming Sword monument sa bayang ito dahil sa mga kaakit-akit nitong mga Christmas decor.
Nagnining-ning sa Christmas decor ang magandang munisipyo samantalang napapalamutian naman ang mataas na Flaming Sword at Iba-ibang kulay at hugis ang mga Christmas decor sa tumatayong plaza ng bayan.
Masayang naglalaro ang mga bata at nagpapagulong-gulong pa sa mga damuhan na natatanlawan ng mga Christmas lights.
Kapuna-puna ang ilang malalaking tila hot air balloon ngunit hindi tulad ng mga hugis hot air balloon sa plaza ng Orani, naaakyat ito ng mga tao dahil nilagyan ito ng hagdan.
May Christmas decor na hugis – ulap na waring pinagdadaanan ng mga hot air balloon. May mga maliliit na Christmas tree at iba pang Christmas decor.
Ang katapat naman na Flaming Sword monument ay kaakitakit din sa makukulay nitong liwanag na wari bagang naghahamon na ang mga sundalong Pilipino tulad nang ipinamalas nilang kabayanihan noong World War II ay handa pa ring makipaglaban at magbuwis ng buhay para sa Kalayaan.
Natutuwa si Mayor Carlos Pizarro, Jr. at iba pang mga opisyal sa pagdagsa ng mga bisita hindi lamang mula sa Pilar kundi sa karatig na mga bayan.