Pamamahagi sa mga kabataan ng gatas ng kalabaw at nutribun ng SK. Kuha ni Armand M. Galang
TALAVERA, Nueva Ecija — Limang araw na rasyon ng tinapay at gatas ng kalabaw sa mga bata na may edad 1 hanggang 5 taon ang inilunsad nitong Biyernes ng mga kabataan sa bayang ito bilang suporta sa kampanya ng gobyerno laban sa coronavirus disease.
Ayon kay Sangguniang Kabataan Federation president Ericka Mendoza. isinasakatuparan nila ang “Gatas ng Kalabaw at NutribunTinapay Feeding Program,” sa mahigit 9,500 na bata sa kanilang bayan sa tulong ng isa grupo din ng magpipinsan na pribadong kabataan.
Ang bawat SK ng barangay ay nagbahagi ng tig–P5,000 bilang paunang pondo at ito ay tinumbasan mula sa sari-sariling saving ng magpipinsan mula sa pamilyang Santos at Martinez, ani Mendoza.
Kabilang dito sina Denise Santos, Angelica Nerie Santos, Nerito Santos III, Diego Martinez, Miguel, Antonio, Sebastian Martinez, at Alfonso Martinez, na nagkaloob ng kani-kanilang personal savings para suportahan ang programa.
Ayon kay Angelica, nabuo ang kanilang pakikipagtulungan sa SK dahil nakasentro sa pangangailangan ng pamilya ang mga ayuda sa ilalim ng enhanced community quarantine.
“Dahil kabataan nga kami, ang gusto po namin ay mag-focus po sa pamimigay ng milk and bread na makakatulong sa kalusugan,” sabi ni Angelica.
Binigyang-diin niya na ang gatas ng kalabaw ay mayaman sa sustansiya at gayundin ang nutribun na ginagawa mismo sa kanilang Tinapayang Bayan kaya magtataglay ng malunggay at iba pang masustansiyang sangkap.
Sinisiguro naman daw nila na nasusunod ang mga panuntunan ng ECQ sa kanilang pamamahagi sa bahay-bahay.
“May social distancing po kami at yung gatas at tinapay ay nakasupot po so malinis po sila,” sabi pa ni Angelica. Naka-face mask at naka-gloves din sila.
Ang gatas ng kalabaw na kanilang ipinamamahagi ay binili sa Nueva Ecija Federation of Dairy Carabao Cooperatives na nakabase sa bayang ito. Ito ay kinikilala bilang One Town One Product ng Talavera.
Naniniwala naman si Sebastian na napapanahon ang bayanihan upang suportahan ang mga bata at bigyan sila ng proteksiyon laban sa sakit, lalo na sa Covid-19, bagama’t marami aniyang programa ang pamahalaang bayan para sa kanila.
Hanggang sa ngayon ay Covid-19-free ang bayang ito at nais daw nila bilang kabataan na manatili na walang biktima ang virus dito.
Suportado din naman ng municipal nutrition council, barangay nutrition scholars at mga local na opisyal ang inisyatibang ito.