LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Humigit P6 milyon ang naitalang benta ng mga lumahok na micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa mga idinaos na trade fair sa loob at labas ng Nueva Ecija.
Ito ang iniulat ng Department of Trade and Industry (DTI) sa isinagawa kamakailan na kapihan kasama ang mga mamamahayag sa lalawigan.
Sinabi ni DTI Provincial Director Richard Simangan na ang mga isinasagawang trade fair ay bukas sa mga interesadong negosyante o MSMEs upang ipakilala at dalhin sa iba’t ibang lugar ang mga ipinagmamalaking gawang produkto.
Patuloy aniya ang pakikipag-ugnayan ng ahensiya sa mga katuwang na pribadong kumpanya at mga sangay ng pamahalaan hinggil sa pagdaraos ng nabanggit na programa.
Kaniyang inihalimbawa rito ang pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan na regular nagdaraos ng trade fair bilang tampok na aktibidad sa mga selebrasyon tulad ng araw ng kapistahan ng munisipyo o siyudad.
Mula Enero hanggang Marso ay walo ang naisagawang trade fair ng DTI Nueva Ecija na nilahukan ng 133 exhibitor na nakapagtala ng kabuuang benta na humigit P4.217 milyon.
Ang mga trade fair na ito ay itinampok sa iba’t ibang pagdiriwang tulad sa Kannawidan Festival ng Vigan sa probinsiya ng Ilocos Sur, Banatu Festival ng lungsod ng Cabanatuan, Nampicuan Festival, Love Month, at Women’s Month.
Batay pa rin sa tala ng ahensiya, umabot naman sa P2.239 milyon ang naging benta ng mga MSME na lumahok sa mga trade fair na idinaos noong buwan ng Abril at Mayo.
Kabilang sa mga trade fair na ito ay itinampok sa pagdiriwang ng Mais Festival sa bayan ng Cuyapo, Palay Festival sa bayan ng Rizal, at Pagibang Damara sa lungsod ng San Jose.
Kasama rin dito ang isinagawang trade fair ng DTI katuwang ang Nueva Ecija University of Science and Technology bilang tampok sa kamakailang National Research Conference.
Hindi naman mawawala ang mga sariling tatak na trade fair ng ahensiya tulad ang Diskwento Caravan, One Town One Product, at BIDA MSME trade fairs.
Pahayag ni Simangan, marami pa ang mga aabangang programa at aktibidad para sa mga MSME sa lalawigan.
Kabilang na riyan ang Likhang Novo Ecijano Provincial Trade Fair ngayong Hulyo at ang Taas Noo Novo Ecihano Provincial Trade Fair na isinasagawa tuwing sasapit ang paggunita ng Unang Sigaw ng Nueva Ecija. (CLJD/CCN-PIA 3)