Cabiao Mayor Ramil Rivera. Kuha ni Armand Galang
CABIAO, Nueva Ecija – Inaasahang makatitipid ng milyun-milyong piso kada taon ang lokal na pamahalaan matapos pormal na buksan ang P15-milyon material recovery facility sa Barangay Concepcion ng bayang ito nitong Biyernes.
Ayon kay Mayor Ramil Rivera, nasa P3 milyon hanggang P5 milyon ang ginagastos ng LGU sa pagtatapon ng basura sa Metro Clark bawat buwan.
Ngunit ngayon ay makapagdudulot pa ng hanapbuhay sa mga kababayan na umaasa sa pangangalakal ng mga plastik at iba pang recyclable na bagay amg pasilidad na nakatindig sa isamg ektaryang lote, ayon sa alkalde.
Bukod pa ito sa mga organikong pataba na malilikha sa pamamagitan mg bio reactor machines bilang component ng MRF, sabi ni Rivera.
“Para ‘yung mga magsasaka natin, mataas ang presyo ng pataba, ay bibigyan natin ng organic fertilizer. Malaking tulong ‘yun para sa mga magsasaka,” ayon pa sa kanya.
Solusyon rin ang naturang MRF sa pagbara ng basura sa kailugan na inirereklamo na noon ng bayan ng Camdaba sa Pampanga.
“Ang problema nung araw, dumarating dito yung mayor ng Candaba kasi yung basurahan natin ay nasa gilid ng ilog. Pag panahon ng baha, lumilipas ang bagyo, nawawala ang basura kaya lang ay napupunta sa ibang bayan, sa Candaba,” ayon pa sa kanya.
Ayon sa Community Environment and Natural Resources Office-Nueva Ecija South, bago pa man maupo bilang alkalde si Rivera noong 2016 ay may kinakaharap nang kaso ang LGU kaugnay sa kabiguang sumunod sa RA 9003 o Ecological Solid Waste Management Act.
Pero nilinaw ni Rivera na nadismis na ang kaso noong 2018 dahil sa kanilang pagsisikap na ayusin ang basura ng bayan bagaman at naisampa ito bago pa man siya mahalal.
Tinatayang mahigit 60 pamilya ng mangangalakal na kasapi ng inorganisang samahan ang makikinabang mula sa recyclable waste na dadalhin sa MRF.