Natakpan ng excitement ang kontrebersyang dulot ng kontrobersyal na hinagpis ni Direk Tikoy Aguiluz sa di umano’y pambabalahura sa kanya ng mga producers ng Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story.
Lumalabas kasi na kina isahan ng pagkakataon si Governor ER dahil yung pakikiialam ng obra ay Graded A ng Cinema Evaluation Board, which simply means na excellent ang pagkagawa ng movie.
Marami ring papuri ang pelikula after its premiere night at marami ang nag-opinyong, Asiong will be the Best Picture at malamang daw, makopo pa nito ang ilang major at minor awards, kasama na rito ang Best Director para kay Tikoy at Best Actor para kay Governor ER.
At dahil tanging ang naturang movie ang Graded A, hindi ba obvious na ang Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story ang dapat tanghaling Best Picture sa Metro Manila Film Festival?
Ito ang rason kung tila bingi ang publiko sa mga hinaing ni Tikoy na sa halip pinupuri pa siya sa trabahong di naman niya ginawa.
“Gusto ko pa rin siya ang director ko. Kung ayaw niya, siya ang mawawalan, hindi ako! Ako na lang ang nagtiwala sa kanya, e. Ako lang ang nagbigay sa kanya ng malaking chance na makabalik. Saka ipinaglaban ko si Direk Tikoy sa mga producers ko. Ipinaglaban ko si Direk Tikoy.”
Dahil sa kanyang tinuran, nakumpirma ang usap-usapang hindi nagustuhan ni Governor ER ang unang pagkaka-edit ng kanyang pelikula.
“Hindi namin nagustuhan yung unang editing,” sabi niya.
“Hindi namin nagustuhan dahil mabagal ang pacing. Binayaran namin yung unang editor… Nag-imbita ako ng maraming kaibigan para panoorin. Hindi kami natuwa sa editing so we have to get a new set of editors, mga bata, magagaling—sina Jason Cajapay and company.
We got four editors na bata at in-edit ang buong pelikula kaya doble gastos kami sa editing.”
Pero ayon kay Governor ER, bago pa nangyari ang reediting ng Manila Kingpin ay sinabihan naman niya ang direktor ng pelikula na si Tikoy Aguiluz.
Sabi ng actor-politician, “Sinabi ko sa kanya, ‘Direk Tikoy, hindi ako natuwa sa unang editing.’
“Pati yung producer, hindi natuwa. Hindi rin natuwa yung mga kamag-anak ko nung napanood nila. Hindi nila nagustuhan yung unang editing. So, we have to get a new set of editors na magagaling…mga bata, magagaling.”
Inamin ni Governor ER na sumama ang loob ni Direk Tikoy sa kanilang desisyon.
“Masama ang loob niya. Masama ang loob niya,” pagkumpirma niya sa balitang hindi naibigan ng direktor ang pagre-reedit ng kanyang pelikula.
Pero rason ni Governor ER, “Well, prerogative ng producers yun.
“Pag producers’ decision, sila ang may last say. Kahit si Boss Vic [del Rosario, Viva Films] nakausap ko. Si Mother Lily [Monteverde, Regal Films] nakausap ko. ’Gov, ang mga producers ang may last say sa pelikula kung ano ang gusto nila sa editing, music, at color grading.
So, dapat respetuhin ni Direk Tikoy ang desisyon ng producer na hindi maganda yung unang editing, at mas maganda ang editing na ginawa ngayon, ang bilis! Pero I give the credit sa visuals to Direk Tikoy.
Magaling na director si Direk Tikoy sa mga visuals, ganda! Sa cinematography, maganda. Pero sa editing, trabaho ng iba ‘yan. Ang editing, kailangang kumuha tayo ng espesyalista. Kaya kumuha kami ng Tito Jessie Ejercito ko ng mga editors na magagaling.”
Incidentally, si Tikoy rin ang direktor ni Governor ER sa historical movie na El Presidente, kunsaan kasama si Nora Aunor. Pansamanatalang natigil ang shooting ng pelikulang ito.
Maapektuhan kaya ang estado sa pelikula dahil sa kanilang samaan ng loob ni Direk Tikoy?
Ayon kay Governor ER, “E, gusto ko pa rin si Direk Tikoy ang gumawa ng El Presidente dahil magaling siya sa visuals.
“Pero ang editing, hindi niya linya ang editing. Ang music, hindi niya linya. Pero bilang director sa visuals, ang galing ni Direk Tikoy!”
Anim na shooting days pa lang daw ang natatapos nila sa El Presidente mula sa tinatayang 65 working shooting days na gugugulin nila sa paggawa ng nasabing pelikula.
Kahit may sama ng loob si Direk Tikoy at gusto raw nitong ipatanggal ang pangalan niya sa Manila Kingpin, mananatili ang pangalan nito sa movie ayon kay Governor ER.
Saad niya, “Ang tinanggap na budget dito ni Direk Tikoy ay doble ng budget niya. May advance rin siya sa El Presidente kaya hindi puwedeng tanggalin ang pangalan niya. Saka ayaw niyang pumirma sa kontrata.”
May sagot naman si Governor ER sa nalamang balita na nagpaplano raw si Direk Tikoy na dalhin sa korte ang kanyang reklamo kaugnay ng pagkaka-reedit ng Manila Kingpin.
Ayon kasi sa demand letter na isinulat ng abugado ni Direk Tikoy na si Atty. Angel Enrico Mira, Jr., gustong ipatanggal ng direktor ang kanyang pangalan sa billboards, posters, at iba pang promotional materials ng pelikula.
Ipinaliwanag ni Direk Tikoy sa sulat na ang final version ng Manila Kingpin ay hindi na masasabing pelikula niya dahil sa mga pagbabagong ginawa rito.
Bukod daw kasi sa reediting ay may mga kinunan din daw na mga eksena sa pelikula nang hindi niya nalalaman at nang wala siya.
Kung hindi raw tutuparin ang kanilang mga kahilingan, ayon kay Atty. Mira, magpa-file si Direk Tikoy ng “criminal and civil charges.”
“E, di pagalingan kami ng abugado!” buwelta naman ng actor-politician.
Paano kung tanggihan na ni Direk Tikoy na ipagpatuloy pa ang pagdidirehe ng El Presidente?
Sabi ni Governor ER, “Alam n’yo, matagal nang walang kumukuha kay Tikoy. Ako na lang nga ang nagtitiwala sa kanya.”
So there!