ABUCAY, Bataan- Patay ang magkasintahang magkaangkas matapos bumangga at sumuot ang sinasakyan nilang motorsiklo sa ilalim ng nakaparadang container van sa bahagi ng Roman Superhighway sa baying ito bago mag-alas-9 ng gabi nitong Linggo.
Idineklarang dead on arrival sa Bataan General Hospital sa Balanga City ang rider na si Jonathan Nate, 23, kawani sa Elizabeth Supermarket at ang kaangkas niyang si April Robles, 22, na umano’y hindi pa nagtatagal niyang ka-live-in.
Nagkabutas-butas ang suot nilang crash helmet at matindi ang sira ng motorsiklo matapos tumama sa hulihan ng malaking trak.
Sinabi ng pulisya na tumakas diumano at hindi pa makita ang drayber at pahinante kaya hindi malaman ng pulisya kung bakit nakaparada sa madilim na shoulder ng highway ang container van.
Ayon sa ilang kaanak, mula sa bahay ng magkasintahan sa Barrio Kamposa Balanga City, papuntang Pampanga ang dalawa upang dumalaw sa patay na kamag-anak ng babae nang mangyari ang aksidente.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga pulis at nananawagan na sana’y sumuko na ang drayber ng container van.