Nag-concentrate ang tatlong firetrucks ng SBMA at tatlo ring firetrucks ng Olongapo City katulong ang ilang firetrucks ng Bataan sa bahagi ng main building na nagsimulang masunog Miyerkules dahil sa pagkalat ng apoy at usok mula sa annex building.
Ginamit ng mga bumbero ng SBMA at Olongapo City ang mahabang automatic ladder upang marating ang 4th floor at roof deck ng main building na umuusok.
Patuloy na pinapatay ng mga bumbero ng Bataan ang apoy at makapal na usok sa bahagi naman ng annex building.
Nagsimulang masunog ang bahagi ng annex building Martes, alas-9:17 ng umaga ngunit dalawang araw na ay hindi pa rin fire out.
Ang annex building ay imbakan umano ng mga stocks ng Robinson department store at supermarket ganoon din ng ibang mga tindahan at scrap materials ng Galeria Victoria.
Marami diumanong chemicals sa annex building.
Ang main building naman ang pinaka-mall kung saan nandoon ang Robinson at ibang mga tindahan at ilang kainan.