Kumpleto sa costume ang mga batang sumali sa mobile trick or treat. Kuha ni Ernie Esconde
SAMAL, Bataan — Nagsagawa ngayong Biyernes ng mobile trick or treat ang barangay council ng Sta. Lucia, isa sa 14 na barangay sa bayang ito, bilang maagang paggunita sa Halloween.
Inikot ng barangay service vehicle ang mga bahay ng mga batang mag-aaral sa Sta. Lucia Day Care Center upang magbigay ng munting regalo. Iba-iba ang kasuotan na ang karamihan ay kopya sa mga cartoon characters ng mga batang tuwang-tuwa.
Pinangunahan ni barangay chairman Hector Forbes ang pamimigay ng regalo sa tulong ni daycare teacher Mary Grace Sarmiento, barangay secretary Seng Amado, treasurer Dan Enriquez, mga kagawad Juanita Evora at Ruben dela Cruz at iba pang kagawad, barangay health workers at tanod.
Sinabi ni Forbes na taon-taon ay nagsasagawa sila ng ganitong programa sa barangay ngunit ito ang unang mobile trick or treat upang bigyan ng kaunting kasiyahan ang mga bata gayon din ang mga magulang.
“Napakahalaga nito sa mga bata lalo na ngayon na panahon ng pandemya,” sabi ng punong barangay.
Limitado, ani Forbes, ang mga galaw ng mga bata dahil sa umiiral na coronavirus disease kaya ang makapagbihis sila ng Halloween costume ay malaking bagay na.
Pinasalamatan niya ang mga magulang, lolo at lola sa pagsuporta sa kanilang mga anak at apo upang magkaroon ng ganitong programa.