SAN ANTONIO, Nueva Ecija — Sa likod ng rehas, nagpahayag ngayon ng labis na pagsisisi ang isang 40-anyos na lalaki na nahaharap sa kasong pagpatay sa kanyang asawa kamakailan.
Ayon kay Mario Cortez, residente ng Barangay Luyos ng bayang ito, bukod sa sakit na napatay niya ang misis na si Rosalinda ay pinangangambahan niya ang kinabukasan ng kanilang apat na anak na pawang mga babae.
“Napakabigat po sa kalooban ko,” sabi ni Cortez. Siya raw mismo ay hindi niya matanggap ang pangyayari dahil biglaan umano ang pangyayari nang sabihan siya ni Rosalinda na gusto na nitong makipaghiwalay sa kanya.
Nais umano niyang makapaghanap buhay para sa kanyang mga anak.
Sabi ni Cortez ay hindi niya alam kung bakit nais siyang hiwalayan ng kanyang misis.
Pero lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na nawaldas di-umano ng suspek ang mahigit P100,000 sa bisyo at ito ang ikinagalit ng ginang.
Ayon kay Maj. Roderick Corpuz, hepe ng San Antonio PNP, naaresto si Cortez bandang alas-6:30 ng umaga noong ika-17 ng Hunyo, ilang oras matapos matagpuang patay sa tricycle ang kanyang asawa.
Tinangka pa umanong iligaw ng suspek ang imbestigasyon nang ipaalis nito sa sasakyan ang bangkay ng biktima at palabasin na biktima ito ng holdap.
“Ngunit nakakalap kami ng ebidensiya laban sa kanya,” pahayag ni Corpuz. Kabilang na rito aniya ang testimonya ng mismong mga anak ng mag-asawa. “Later on ay nagkaroon na siya ng pag-amin at di-umano ay napagsabihan siya na maghihiwalay na sila ay nasakal na niya at dinala lang niya sa lugar na yun dahil nawala na siya sa sarili niya” ani Corpuz.
Lumalabas din daw sa autopsy na may mga bugbog sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima.