Misis ng inimbitahan sa rape-slay ng bata, pinatay

    406
    0
    SHARE

    LIMAY, Bataan- Isang araw matapos matagpuan ang bangkay ng 12-taong gulang na babaing diumano’y pinaslang at pinagsamantalahan, pinatay Lunes ng tanghali ang asawa ng lalaking dinampot for questioning ng pulisya.

    Natagpuang patay si Lilibeth Salas, 42, sa kanilang bahay sa upland sityo sa St. Francis I, Limay, Bataan alas-10 ng umaga.

    Sinabi ng mga funeral attendant sa Funeraria Punzalan sa Limay na may malalim na gilit sa leeg ang biktima mula sa itak at mga saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan. Kinumpirma ito ng pulisya sa pagsasabing ang mga sugat ay mula sa isang matalim na bladed weapon.

    Nilinaw ng pulisya na ang common-law husband ng biktima na si Wilfredo Remetio, 52, ay inimbitahan nila for questioning at hindi itinuturing na suspek. Balak umano nila itong palayain na dahil sa kawalan ng ebidensiya.

    Inimbitahan ng pulisya si Remetio matapos matagpuan noong Linggo ng hapon ang bangkay ng batang si Arlene Daulat, 12, sa taniman ng buho. Si Remetio ang caretaker ng buhuan sa upland sityo sa St. Francis I.

    Ayon kay Nestor Nabaunog, barangay kapitan ng St. Francis II, matagal na naglingkod sa kanyang pamilya si Lilibeth bilang labandera. Nitong Lunes bandang alas-8:3 ng umaga, lumapit aniya ang babae sa kanya upang humingi ng tulong na huwag ikulong ang asawa dahil wala diumanong kasalanan ito.

    “Nagpaalam din sa akin na kukuha ng damit sa hulo sa kanilang bahay ngunit sinabihan kong huwag pumunta dahil baka pagbalingan,” sabi ng kapitan. Nalaman umano niya bandang alas-10 ng umaga na pinatay ito.

    Sinabi naman ni Erlinda Estroso na umuwi sa kanila sa St. Francis II ang kanyang anak na si Lilibeth kasama ang tatlong maliliit pang anak Linggo ng gabi. Sa kanila umano natulog ngunit kinaumagahan ay nagpumilit na umalis dahil kukuha raw ng damit.

    “Ang sabi ko huwag na munang pumunta sa kanilang bahay dahil sila sinususpek sa pagpatay sa bata.

    Pinipigilan ko dahil baka pag-initan,” sabi ng matandang babae.

    “Hindi ko alam ang nangyari, Diyos na bahala sa kanila. Nag-iisa lang ang anak ko, tinambangan nila, bahala na ang Panginoon,” sabi ni Estroso.

    Nilinaw ng barangay kapitan at ng matandang babae na wala silang tinutukoy na mga suspek sa pagpatay kay Lilibeth. Ipinauubaya anila ito sa pulisya.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here