Mga minibus sa Balanga City terminal
LUNGSOD NG BALANGA — Nagsimula nang muling mamasada ang mga pampasaherong minibus sa Bataan ngayong Biyernes bagama’t mangilan-ngilan pa lamang.
Ang balikang biyahe ay Balanga City–Mariveles, Bataan; Balanga City–Olongapo City; at Balanga City–City of San Fernando, Pampanga.
Halos iilan pa lang ang mga pasaherong dumarating sa terminal ng Balanga na dumadaan sa mahigpit na safety protocol.
May signages na “No mask, No ride” at “No facemask, No entry”, may footbath bago umakyat sa bus at may mga marka sa upuan na “No sitting” upang mapanatili ang social distancing sa loob ng mga bus.
Bago pumasok ng terminal ang mga pasahero, kinukuhanan ng temperature gamit ang thermal scanner at nilalagyan ng alcohol ang mga kamay.
Sinusuring mabuti ang travel pass ng bawat pasahero at pumipirma sa isang log book na inilalagay ang pangalan, address, at contact number.
Sinabi ni Alfonso Santiago, bus driver, na naghihigpit sila upang maiwasan ang pagkalat ng pandemiyang coronavirus disease.
“Nasa proseso naman kami. Bago umakyat ng bus kailangang magkaroon ang pasahero ng contact tracing doon sa guard. Pag-akyat nila ng bus maglo–log pa ulit ng panibago at kukuhanan ng panibagong temperature,” sabi ng driver.
“Kalahati na lang ang maaring maging sakay, halimbawa ang dating 58, nagiging 29 na lang,”dagdag ni Santiago.