Hindi pinatuloy ang mga lokal na turista na nais magtungo sa Minalungao National Park. Kuha ni Armand Galang
GEN. TINIO, Nueva Ecija – Naunsiyami ang dapat sana’y masayang holiday sa Minalungao National Park ng bayang ito ng daan-daang lokal na turista nang pagbawalan sila ng mga pulis itong Huwebes.
Ilan sa mga turista ay dumating sa Barangay Pias mula sa mga lalawigan ng Pampanga at Bulacan at sa Metro Manila bandang alas-5 ng umaga.
Ngunit hindi sila pinalusot sa police checkpoint na nasa Sito Bakud ng naturang barangay kahit pa ang iba ay nagpakita ng medical certificate
“Ang pinapangarap naming pantanggal stress ay nakapagpa–stress pa lalo sa amin,” ayon sa isang residente ng Pampanga na nag-motorsiklo kasama ang 12 niyang kaibigan para sana sa lanilang kauna-unahang pagbisita sa Minalungao Park.
Galng naman sa Caloocan City ang isa pang 36-anyos na lalaki. Bago raw sila bumiyahe ay siniguro nila sa pamamagitan ng internet noong Miyerkules ng gabi na bukas ang Minalungao.
Kaya dismayado sila sa nangyari na babalik sila sa Metro Manila na hindi nasilayan ang ipinagmamalaking malinis na tubig-ilog, rock formation, hanging bridge, at iba pang kagandahan ng kalikasan sa lugar.
Binatikos ng pribadong organisasyon na nangangasiwa ng Minalungao National Park ang hakbang ng pamahalaang lokal na pagharang sa mga turista.
Ayon kay Paulo Abesamis, consultant ng parke, handang-handa na sila sa operasyon lalo’t 11 buwan nang walang hanapbuhay ang mga residente ng bayan na umaasa dito.
Napipilitan na aniya ang iba na mag-logging sa kabundukan ng bayan. “Ironically, ang sabungan kung saan ay dikit-dikit ang mga tao ay bukas na,” ani Abesamis.
Nilinaw naman ni Mayor Isidro Pajarillaga na mananatiling sarado ang mga resort sa kanilang bayan bilang bahagi ng paglaban sa coronavirus disease hanggang walang naihaharap na kumprehensibong hakbang ang mga operators ng mga ito.
“Kailangan malinaw, ano ang basehan ng 50 percent capacity, paano ang social distancing, paano ang contact tracing,” sabi ni Pajarillaga. Binigyang diin niya na kaligtasan at kalusugan ng kanyang mga kababayan ang nais niyang pangalagaan.
Mababali-wala aniya ang mahabang panahon ng paghihirap ng lokal na inter-agency task force at mga frontliner kung bigla na lamang bubuksan ang mga resort sa mga turista mula sa iba’t ibang lugar
“Kalusugan at kaligtasan ng aking mga kababayan. Kalusugan at kaligtasan ng mga turista ang aking iniingatan,” pahayag ng alkalde.