Home Headlines Milk Feeding Program, malaking tulong sa mga magkakalabaw

Milk Feeding Program, malaking tulong sa mga magkakalabaw

396
0
SHARE
Ibinahagi ni Philippine Carabao Center at Central Luzon State University Center Director Ericson Dela Cruz ang benepisyo ng National Milk Feeding Program sa mga kabataan, magsasaka at sa industriya ng pagkakalabawan sa unang episode ng “Leaders in Focus” ng Philippine Information Agency. (Camille C. Nagaño/PIA 3)

LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Malaki ang naitutulong ng National Milk Feeding Program ng pamahalaan sa mga magkakalabaw sa bansa.

Ayon kay Philippine Carabao Center at Central Luzon State University o PCC at CLSU Center Director Ericson Dela Cruz, napakahalaga ng naturang programa na ipinatutupad sa bisa ng Batas Republika Bilang 11037 o Masustansiyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act dahil nagkaroon ng regular na merkado ang mga inaaning gatas ng kalabaw ng mga magsasaka.

Sa pamamagitan din ng naturang batas dumadami ang nagnanais pumasok sa industriya at tumaas ang presyo ng inaaning gatas dahil sa pangangailangang suplay sa merkado.

Sa lalawigan ng Nueva Ecija lamang ay pumapatak sa 75 hanggang 80 piso kada litro ang bentahan ng gatas ng kalabaw samantalang nasa 60 libong piso naman ang bentahan ng isang bulo na malaking tulong at kita para sa mga magsasaka.

Katuwang ng PCC sa milk feeding program ang mga kagawaran ng Department of Education at Department of Social Welfare and Development na hangad mapataas ang antas ng nutrisyon ng mga kabataan.

Sa Gitnang Luzon pa lamang ay halos 204,000 kabataan ang naging benepisyaryo ng milk feeding program noong nakaraang taon na layuning madagdagan at maaabot pa ang maraming kabataang nangangailangan.

Kaugnay nito ay ipinanawagan ni Dela Cruz sa mga may kakayahan o nasa pribadong sektor na makilahok sa programa upang mas marami pang kabataan ang matulungan at mabigyan ng pagkakataong mapabuti ang nutrisyon.

Kaniya ding binanggit na fresh milk o mula mismo sa mga na-produce na gatas ng kalabaw ang ginagamit sa milk feeding program ng pamahalaan na mas masustansiya kumpara sa mga nabibili sa merkado na dumaan na sa proseso.

Sa mga interesadong magsuplay ng gatas ng kalabaw o nais magsimula ng pagnenegosyo na salig sa kalabaw ay bukas ang tanggapan ng PCC at CLSU na matatagpuan sa Science City of Muñoz o kaya ay maaaring tumawag sa himpilang 09688535754. (CLJD/CCN-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here