Mga uod binomba ng pesticide sa Bataan

    361
    0
    SHARE
    LIMAY, Bataan – Sinimulan nang bombahin Sabado ng hapon ng pesticide ang ekta-ektaryang damuhan sa St. Francis I sa Limay, Bataan na patuloy na sinisira ng mga army at cut worms mahigit isang linggo na ang nakakaraan.

    Ipinaliwanag ni Joselito Galicia, municipal agriculturist ng Limay, na ginawa nila ito upang mapigilan ang mga uod na makapaminsala sa kalapit na taniman ng palay, mais, gulay at kamoteng kahoy sa bulubunduking sityo ng Mamala.

    Sinimulan aniya ang pagbobomba ng pesticide alas-4 ng hapon dahil nocturnal ang mga uod na lumalabas kapag gabi na o kaya maaga sa umaga.

    Gumamit ng pesticide na “Seven” na ang timpla ay 250 grams sa bawat isang drum o 200 litrong tubig na sabi ni Galicia ay hindi makakapinsala sa hayop.

    Mahigit 10 ektaryang lupang natatamnan ng kugon at talahib ang pinipinsala ng maraming uod na ayon kay Sammy Medora, 54, ay ngayon lamang niya nasaksihan buhat nang dumating siya sa Mamala noong 1970.

    Ipinakita niya ang tila tingting na bahagi ng kugon na iniiwan ng mga uod matapos kainin ang mga dahon. Itinuro rin niya ang maraming bahagi na halos lupa na ang nakikita dahil ayaw ng sumibol ang damo matapos kainin ng mga uod na mainit, aniya, sa damo.

    “Halos wala na ring makainan ang aking baka,: sabi ng magsasaka.

    Malaking katuwaan naman ng magsasakang si Jaime Menes, 65, at Peter Galicia, 68, nang makita nilang nagbobomba na ng pesiticde. “Maraming salamat at mapoprotektahan na ang aking tanim na palay at mais,” sabi ng mga ito..

    Sinabi pa ni Menes na gumamit siya ng isang bareta ng sabong panglaba na inihalo niya sa apat na baldeng tubig at ipinandilig niya sa mais upang umalis ang mga uod.

    Ilang minuto matapos mag-spray ng pesticide unti-unting nagbagsakan ang mga uod na ang iba’y nangingisay.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here