MGA TSUPER NAIRITA
    Bulacan-Pampanga bridge ipinasara dahil sa sira

    463
    0
    SHARE

    CALUMPIT, Bulacan – Ipinasara sa daloy ng trapiko ang Gatbuca Bridge sa bayang ito na nag-uugnay sa mga lalawigan ng Bulacan at Pampanga noong Biyernes ng hapon dahil sa pinsalang nadiskubre.

    Ang pagpapasara ay ipinag-utos ng Department of Public Works and Highways (DPWH) bilang isang pag-iingat at makaiwas na matulad ito sa Colgante Bridge sa Apalit, Pampanga na bumagsak noong Nobyembre 23.

    Mananatiling nakasara sa lahat ng uri ng sasakyan ang Gatbuca bridge sa loob ng susunod na apat na araw habang isinasagawa ang paunang pagkukumpuni.

    Ikinagalit naman ng mga motorista, partikular na ng mga jeepeney driver ng bumibiyahe sa rutang Malolos-San Fernando ang biglaang pagpapasara ng tulay dahil sa kawalan ng babala.

    Ayon kay Inhinyero Antonio Molano, direktor ng DPWH sa Gitnang Luzon, ang pansamantalang pagpapasara ng tulay ay batay sa resulta ng kanilang inisyal na inspeksyon na hiniling ni Bulacan Gob. Wilhelmino Alvarado na nagpahayag ng pangamba matapos bumagsak ang di kalayuang Colgante Bridge.

    Sa pagsasagawa ng inspeksyon noong Biyernes ng hapon, natuklasan ng DPWH na isang steel truss sa ilalim ng tulay ang naputol.

    “Kailangang isara agad ang tulay sa trapiko, baka may madisgrasya pa,” ani Molano.

    Naghatid naman ito ng kalituhan sa mga jeepeney drivers na nagpahayag ng pagkairita sa biglaang pagpapasara.

    Ngunit ipinaliwanag ni Gob. Alvarado na kailangang bigyang proteksyon ang buhay ng tao.

    “Emergency ang sitwasyon, kaya biglaan ang pagpapasara ng DPWH, hindi na tayo dapat maghintay na bumigay ang tulay at may masaktan,” ani Alvarado.

    Hiniling din niya ang pang-unawa ng mga motorista sa abala at maliit na sakripisyo.

    “Lahat ng laging dumadaan sa Gatbuca Bridge ay magsasakripisyo, pati ako,” ani ng gobernador na ang bahay ay matatagpuan sa puno ng tulay sa Barangay Gatbuca na nasa ibayo ng ilog sa panig ng Pampanga.

    Ayon pa kay Alvarado, umiikot siya ngayon sa San Simon toll Plaza sa North Luzon Expressway (NLEX) para lamang makapunta sa kanyang tanggapan sa kapitolyo ng Bulacan na matatagpuan sa lungsod na ito.

    Ang Gatbuca Bridge ay itinayo bago pa maganap ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at noong 1946 o matapos ang digmaan, ito ay kinumpuni.

    “Matanda na ang tulay na ito, dahil ang karaniwang lifespan ng mga tulay ay 70 years,” ani Alvarado at iginiit na noon pa lamang 2004 ay ipinanukala na niya sa Kongreso na ito ay makumpuni, ngunit hindi nabigyang pansin.

    Si Alvarado ay naglingkod bilang kongresista ng unang distrito ng Bulacan mula 1998 hanggang 2007.

    Hinggil naman sa muling pagbubukas ng tulay sa trapiko, sinabi ni Alvarado na magsasagawa muli ng pagsusuri ang DPWH matapos makumpuni ang steel truss.

    Ilang source naman ang nagsabi, na posibleng muling mabuksan ang tulay bago mag-Pasko, ngunit para sa mga light vehicles lamang. 

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here