Home Headlines Mga ‘Tanda’ at ‘Tinig ng Hinahon’

Mga ‘Tanda’ at ‘Tinig ng Hinahon’

497
0
SHARE

ANG MISANG ito ay ang pakikiisa ng Diocese of Kalookan sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng mga Lolo at Lola. Ito kasi ang Linggo na pinakamalapit sa araw ng kapistahan nina San Joaquin at Sta Ana, mga lolo at lola ni Hesus. Salamat kay Papa Francisco, meron na tayong araw na pantapat sa Mother’s Day at Father’s Day: ang Grandparents’ Day. 

Sa ating binasang talinghaga sa ebanghelyo, may dalawang tinig tayong narinig: tinig na mapusok at tinig na mahinahon. 

Mas tipikal sa mga kabataan ang tinig na mapusok; sa talinghaga, sila ang mga tauhan ng may-ari ng bukid. Ang alok nilang solusyon para daw mailigtas ang mga trigo at bunutin o puksain ang masamang damo. Hindi ba parang ganito ang dating ng magkapatid na sina Santiago at Juan, nang minsang ayaw silang padaanin ng mga Samaritano sa kanilang bayan dahil patungo sila sa Jerusalem. Sabi nila kay Hesus, “Panginoon, paulanin kaya natin ng apoy ang masusungit na iyan para pugnawin na sila sa balat ng lupa!” Wow, ang init ng ulo. Ang sagot ni Hesus ay, “Maghunosdili kayo. Humanap na lang tayo ng ibang daan.”

Ang ikalawang boses sa talinghaga ang may-ari ng bukid: “Huwag magpadalos-dalos,” aniya, “baka sa hindi ninyo sinasadya pati mga trigo ay masaktan ninyo o mabunot.” Lalo na’t ang masamang damo pala ay hawig na hawig sa trigo.

Sabi ng mahinahon na tinig na amo sa talinghaga, “Ang kaaway ang may kagagawan nito.” Ang kaaway ay si Satanas; siya lang naman ang itinuro sa atin na itakwil, di ba? Sabi ni San Pablo, “Hindi laman at dugo ang kaaway natin sa mundo.” Walang binhi ng masamang damo na galing sa Diyos. Ibig sabihin, walang likas na masamang tao dito sa mundo, kahit lahat ng tao may kakayahang makagawa ng masama. Ang mabuting binhi at masamang damo sa kwento ay hindi tungkol sa labanan ng mabuti at masamang tao. Ang tinutukoy niyang labanan ay labanan ng kabutihan at kasamaan sa ating lahat, sa lahat ng tao at sitwasyon. Laging may tunggalian sa pagitan ng Diyos na nagtatayo ng kanyang kaharian at kay Satanas na sumasabotahe sa plano ng Diyos.

Lahat tayo ay pwedeng saniban at paglaruan ng diyablo. Kaya dapat lang na tayo’y maging mahabagin kahit sa mga nakakasakit sa atin. Laging isaisip — “baka may pinagdadaanan, baka wala sa sarili, baka napo-possess…”. 

Ang tinig ng hinahon ay mas tipikal sa mga nakatatanda—

huwag magpadala sa silakbo ng damdamin, baka lalong lumala ang perwisyo. Totoo namang nasaktan tayong lahat sa ginawang paglalapastangan sa ating panalangin at sa Poong Nazareno, di ba? Pero, kapag nagpadala tayo sa reaksyon ng galit, minsan lumilihis na rin tayo. 

May mga tao na ibig talagang magpapansin, minsan kusa siyang mananakit o mang-iinsulto para lang tumawag pansin. “Narcissism” ang tawag doon ng mga psychologists. At kung kailan daw sila pinapansin, mas lalo silang naliligayahan. Ang tinig na mas madalas nating marinig sa mga nakatatanda na mas marami nang pinagdaanan sa buhay ay huwag magpadala sa provocation o pang-uudyok. Huminahon, harapin ang nang-uudyok, at taos-pusong itanong, “Okay ka lang ba?” “Are you crying for help?” “May pinagdadaanan ka ba? May maitutulong ba ako sa ito?” Minsan sa hinahon mas napipigilan ang tindi ng pang-uudyok o provocation. Kailangan talaga natin ang hinahon ng matatanda.

Ewan kung bakit ang salitang elderly— na sa Tagalog ay “nakatatanda”—ay madalas iugnay sa pagiging malilimutin o ulyanin. Hindi ba sa Tagalog ang pagtanda ay kabaligtaran ng paglimot? Opposite ng malilimutin ang matandain. Kaya kung tutuusin maganda ang konsepto natin para sa mga may-edad: sila ang mga deposito ng alaala na kulang na kulang sa mga batang wala pang gaanong karanasan. Ang mga bata at kabataan ang mas madaling makalimot, dahil nga kulang pa sila sa karanasan. Kung nakakalimot ang matatanda, ito’y dahil masyado na silang maraming pinagdaanan, at alam nilang hindi naman lahat ay dapat tandaan. Ang iba’y dapat na talagang limutin. Selective memory ang tawag sa ganyan. 

Hindi lang “matanda” ang tawag natin sa nagkakaedad at lalong hindi ito tungkol sa pagiging amoy-lupa. Sila mismo tinatawag natin silang mga “tanda,” ibig sabihin, mga “palatandaan” o mga gabay sa ating lipunan para di tayo makalimot sa ating pinanggalingan at hindi rin tayo maligaw sa ating pinupuntahan. Kaya napakaganda kapag lumaki ang mga apo na malapit sa mga lolo’t lola nila—mahalagang marinig nila ang mga kuwento ng kanilang mga pinagdaanan, mga aral na kanilang natutuhan. Noong bata ako, narinig ko ang mga kuwento ng mga nakatatanda tungkol sa giyera, kaya may halong kaba sa dibdib ko kapag ganitong naririnig ko ang namumuong tensyon sa pagitan ng China at Taiwan, at ang pagpupuwesto ng America, Japan, at Australia dito sa atin para balaan ang China. Tiyak na tayong maliliit na bansa, hindi mga Amerikano o Tsino ang unang mapeperwisyo ng giyera pag nagkataon.

Mahalagang okasyon din ang World Day for the Elderly na ito para isaisip ang nagbabagong kalagayan ng mga nakatatanda sa Pilipinas. Bukod sa mga senior citizens na kabilang sa 8.5 percent sa ating kabuuang populasyon, marami sa mga first generation ng mga Pilipinong nag-migrate sa ibang bansa ay bumabalik sa ating bansa at dito na nagri-retire sa Pilipinas. Ang pagkakaiba nila sa mga senior citizens na hindi nag-migrate ay, hindi nila kasama ang mga anak at apo nila. Karamihan ay nabubuhay na walang kasama kundi caregivers sa kanilang pagtanda. Ganyan din ang kalagayan ng mga senior citizens na may mga anak na nagsipag-abroad. Hindi nila kasama sa pagtanda ang mga anak at apo nila na sa abroad naman nanirahan. 

Lumalaki na rin daw ngayon, lalo na sa mga kalunsuran ang populasyon ng mga senior citizens na nabubuhay na mag-isa o walang kaanak na kasama; marami sa kanila ang nangangailangan na ng home care facilities na di pa gaanong uso sa Pilipinas.

Sa Singapore ako unang na-expose sa malungkot na sitwasyon ng mga nakatatanda na nabuhuhay na walang kasama sa mga condo at apartment. Naranasan kong sumama sa isang grupo ng parishioners na naghahanda ng lunch packs araw-araw. Ang apostolate ng volunteers ay hindi lang dalhan ng tanghalian ang mga matatanda kundi saluhan sila sa tanghalian.

Sa ating mga pamilyang Pilipino, napakalaki pa rin ng papel ng nga senior citizens sa kanilang mga pamilya. Imbes na dalhin sa daycare ang mga bata, madalas mga lolo’t lola ang naiiwan upang magbantay sa mga apo habang nagtatrabaho ang mga anak nila. “APOstolate” daw ang tawag sa ganito ngayon. At kapag hindi stable ang kabuhayan ng mga anak, madalas nagagamit ng mga seniors ang retirement money nila para sa pangangailangan ng mga apo. Kaya marami sa kanila ang kapos ang panggastos sa pangangailangan sa katandaan tulad ng sakit. At dahil mas mahaba na ang life expectancy ngayon, sa takbo ng panahon dahil sa tumataas na presyo ng bilihin, ang kakarampot na retirement benefits ng mga matatanda, madalas hindi na rin kumakasya sa mga pangangailangan nila.

Sabi ng isang kantang mula sa tinig ng isang lolo na nagbibigay-payo sa mga bata, “Bukas mamanahin mo, buti nami’t sama, bukas malalaman mo, ikaw nga ay pag-asa. Kung saan kami nadapa, doon bumangon ka. At kung ano ang aming tama, bukas patibayin pa.” Maligayang araw ng mga lolo’t lola, sa ating lahat.

(Homiliya para sa Pandaigdigang Araw ng mga Lolo’t Lola, Misang Bihilya para ika-16 na Linggo ng KP, 22 Hulyo 2023, Mt 13:24-30)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here